HINDI kailangan magdeklara ng batas militar si Pangulong Rodrigo Duterte para mahigpit na ipatupad ang Luzon-wide enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Cabinet Secretary at IATF Spokesperson Karlo Nograles, nakasaad sa Saligang Batas na maaari lamang ideklara ang martial law kapag may umiiral na rebelyon at pananakop kaya’t hindi ito pinag-uusapan sa mga pulong ng task force.
“Hindi po. Kasi martial law, for you to use or declare martial law, ano po iyon, rebellion and invasion. So hindi po pinag-uusapan,” aniya.
Nauna nang umugong ang panawagan kay Pangulong Duterte na kailangan ang batas militar sa bansa upang madisiplina ang mga pasaway na patuloy na sinusuway ang mga patakaran ng ECQ gaya ng social distancing at paglabas sa kanilang tahanan ng mga hindi kasama sa itinuturing na authorized person outside of residence (APOR).
Kaugnay nito, umaasa ang administrasyong Duterte na mapaplantsa sa susunod na linggo ang mga alituntunin para sa “new normal scenario” na magaganap kapag tinanggal ang ECQ sa katapusan ng Abril.
Ipipresinta aniya ng isang task group sa pulong ng IATF ang panukalang mga hakbang na isasagawa ng pamahalaan matapos matuldukan ang ECQ at tatalakayin nila kay Pangulong Duterte para sa pinal na desisyon.
“By next week, mayroon na pong ipi-present sa amin – sa IATF, ng maliit na grupo na inatasan ni Pangulo para tingnan anong mangyayari sa April 30. So pinag-uusapan na po namin iyan. Pag-uusapan po namin next week at magiging masinsinan at malalim na pag-uusapan ang mga bagong do’s and don’ts. After April 30, we will try to set up new guidelines for the new normal. All things being considered kung maganda ang makita natin within the next – how many days? – 14 days,” dagdag ni Nograles.
Ang action plan aniya ng gobyerno ay ibabase sa “scientific data, social, economic and security factors” gayondin sa kooperasyon ng publiko sa pagsunod sa ECQ guidelines.
Aminado si Nograles na mahirap magpasya kung mas maraming tao ang nagbabalewala sa mga patakaran ng ECQ.
“So kailangan po talaga natin ng kooperasyon ng bawat isa. The more na may mga pasaway, the more it becomes difficult to make the decision ‘di po ba? Because siyempre, lahat naman tayo gustong, you know, gusto nang pumunta doon sa new normal,” giit ni Nograles. (ROSE NOVENARIO)