PINAGBIBITIW ng 15 senador si Health Secretary Francisco Duque III.
Opisyal ang panawagan ng 15 senador matapos tanggapin ng Senate Legislative Bills and Index Service ang resolusyon para tuluyang pagbitiwin si Secretary Duque ng Department of Health (DOH).
Sa harap ito ng matinding krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19.
Isinulong ang panukala ni Sen. Panfilo Lacson, habang nakalagda ang karamihang miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso, lalo ang mga nasa hanay ng majority o administration senators.
Dakong 11:49 am nang makarating sa tanggapan ng bills and index ang resolusyon.
Kapansin-pansin na isa sa mga dating COVID-19 patient na si Senator Sonny Angara ang nagpahayag ng kawalan ng tiwala sa kalihim ng DOH sa paghawak ng kasalukuyang sitwasyon.
Ayon kay Angara, kulang at atrasado na ang hakbang ng kagawaran para sa contact tracing, pagprotekta sa frontliners at iba pa.
“…Senators signed/filed and I am one of them. Whether he is removed or not, status quo cannot continue if we want to defeat the virus. Kailangan mas bibo ang liderato rito laban sa virus. We were late for testing, contact tracing is almost non-existent, hospitals short of protective gear — we need to be better. Buhay ng mga Filipino ang nakasalalay dito,” wika ni Angara.
Ilan sa mga lumagda ay mga opisyal ng Senado tulad nina SP Vicente “Tito” Sotto, Majority Leader Migz Zubiri, President pro tempore Ralph Recto at iba pa.
Kapuna-punang hindi lumagda si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III. (CYNTHIA MARTIN)
Pagpapatalsik kay Duque suportado ng minorya
NAGPAHAYAG ng supporta si House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa panawagan ng mga senador na magbitiw si Health Secretary Francisco Duque.
“Sec. Duque is emblematic of the inefficiency, lack of coherence in the Duterte administration’s lethargic response to the crisis brought by the COVID-19. His March 11 admission before the House Committee on Health hearing on COVID of his failure to declare a health epidemic as early as Jan. 31 is, in fact, one of the major setbacks why the Philippines was caught gravely unprepared to deal with the pandemic,” ayon kay Zarate.
“Duque’s failure, and, in general, the earlier nonchalant and dismissive attitude of the Duterte administration in the early phase of the COVID-19 outbreak, are the reasons why the Philippines is now number one in Southeast Asia in terms of COVID cases and casualties,” dagdag ng kongresista.
Ani Zarate, nabigo si Duque sa paggabay sa kagawaran na manguna sa pagsugpo sa COVID-19.
Samantala, binatikos ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa padagdag pahirap sa mga gumagawa ng paraan upang makatulong sa taong bayan na apektado ng lockdown.
Naglabas ang DSWD ng ‘advisory’ umano tungkol sa pagsunod sa Public Solicitation Law na inire-require muna kumuha ang mga organisasyon o indibiduwal ng solicitation permits at magbayad para makapagsagawa ng fund raising activities.
Pero imbes magpasalamat ang DSWD at administrasyon sa mga inisiyatiba ng mga indibiduwal at mga organisasyon sa mas mabilis nilang aksiyon upang makaabot ang tulong sa mga pinakanangangailangan kaysa mismo sa ahensiya at administrasyong Duterte, lalo umanong pinahihirap at pinatatagal nito ang pagpapaabot ng tulong para sa pagkain at medical supplies sa panahon ng COVID-19 ani Castro.
Ang non-government organizations at pribadong sektor ay nasa gitna ng malawakang donation drives upang makalikom ng pondo para sa mahihirap at mga nawalan ng kita dahil sa lockdown.
Ani Castro, pahihirapan pa ng DSWD ang mga tumutulong sa mga nahihirapan dahil sa lockdown.
“Instead of imposing ridiculous steps and requirements on organizations and individuals that will further delay the delivery of aid from organizations and private individuals, it should hasten the delivery of the Social Amelioration Programs and increase the number of its beneficiaries,” ayon kay Castro. (GERRY BALDO)
Duterte ‘sinangga’ si Duque
TABLADO kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan ng 15 senador na magbitiw si Health Secretary Francisco Duwue III dahil sa kapalpakan sa paghawak sa coronavirus disease ( COVID-19) pandemic sa bansa.
Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagpasya si Pangulong Duterte na manatili sa puwesto si Duque.
“Yes. The President has made a decision for Health Secretary Duque to stay put,” ani Medialdea sa text message sa Palace reporters.
Nagpapasalamat aniya ang Pangulo sa mga senador sa pagbibjgay sa kanya ng oportunidad na tingnan ang performance ni Duque.
Dagdag ni Medialdea, batid ni Duque ang mga sentimyento ng mga senador at umaasa na magsusumikap nang husto ang Kalihim upang mawala ang mga pagdududa sa kanyang kapasidad at sinseridad sa pagsisilbi sa publiko sa panahon ng krisis.
“Secretary Duque was made aware of the sentiments of the Senators and the President expects him to work even harder to set aside any doubts on his capacity and sincerity to serve the public during these difficult times,” ani Medialdea.
Nauna rito inaprobahan ng 15 senador ang Senate Resolution No. 362 na humihiling na magbitiw sa posisyon si Duque , kabilang sa mga lumagda ay sina Senate President Tito Sotto, senators Ralph Recto, Miguel Zubiri, Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Ronald dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Bong Revilla at Panfilo Lacson. (ROSE NOVENARIO)
Duque umaming nahirapan sa COVID-19
AMINADO si Health Secretary Francisco Duque III na naging malaking hamon sa kanyang kagawaran ang krisis ng COVID-19 sa bansa.
Inamin ito ni Duque sa teleconference ng COVID-19 Commitee Technical Working Group on Health kasama ang ilang kongresista.
“The last three months have been extremely difficult for the agency. Even ‘difficult’ is an understatement,” ani Duque.
Ipinaabot ng kalihim ang pagkilala niya sa mga staff ng DOH at buong healthcare sector na nagsasakripisyo ng kanilang panahon para makatulong sa mga kapwa Filipino na ngayon ay apektado ng COVID-19.
“Marami sa amin ang nagkakasakit na, nag-quarantine, gumaling at mayroon naman nagkasakit pa ulit. Pero patuloy na lumalaban para sa kalusugan ng Filipino,” pahayag ni Duque.
Dagdag niya, “The fight against the COVID-19 is not just the fight of one man or one agency, but a fight for all Filipinos.”
Bago ito, nagpasa ng resolusyon ang 15 senador na pinagbibitiw sa puwesto si Duque. (CYNTHIA MARTIN)