SAPAT ang supply ng koryente, tubig at pagkain sa panahong umiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Tiniyak ito ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease spokesperson Karlo Nograles sa virtual press briefing kahapon.
Aniya, batay sa ulat ng Department of Energy ay may 11,795 MW kapasidad sa Luzon at ito’y mas mataas sa peak demand na 7,323 MW.
“This means, we currently have an excess capacity of 4,742 MW. Lubos din ang suplay natin ng koryente dito po sa Luzon,” aniya.
Inihayag ni Nograles, hindi na kailangan magbayad ng kanilang bill sa koryente ng Marso at Abril ang “lifeline consumers” ng mga electric cooperatives sa buong bansa o ang mga kumokonsumo ng mababa sa 50 kilowatts per hour.
“Sa mga kababayan nating kumokonsumo ng mas mababa sa 50 kilowatt per hour o ‘yung mga tinatawag na “lifeline consumers” ng mga electric cooperative dito sa Luzon, maging sa Visayas at Mindanao – maliban sa isang buwang grace period sa pagbabayad ng koryente – libre na po ang inyong konsumo sa loob ng March to April billing period. Target na tulungan ng Pantawid Liwanag ang tatlong milyong mahihirap na consumer ng mga electric cooperative. Salamat NEA, Philreca at mga electric koop sa inyong tulong at ambag sa Bayanihang ito,” dagdag ni Nograles.
Habang ang National Water Resources Board ay inulat na itinodo ang alokasyon sa tubig ng 46 cubic meters per second sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) mula sa Angat Reservoir hanggang 30 Abril 2020 upang matiyak ang patuloy na supply ng tubig sa Metro Manila.
Wala rin aniyang magiging problema sa supply ng pagkain at bigas sa Luzon, ayon sa Department of Agriculture (DA). (ROSE NOVENARIO)