TINIYAK ng Department of Health (DOH) na bukas na ang 75 designated referral hospitals para sa mga pasyenteng tinamaan ng sakit na COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga ospital ay may kakayahang tumanggap ng 3,194 pasyente sa kabuuan.
Mayroon na umanong temporary treatment and monitoring facilities na may 4,413 bed capacity.
“Kasabay ng pagpapaigting ng testing capacity, ang kagawaran ay tuloy-tuloy rin nagpapagawa ng facilities upang sapat na matugunan ang pangangailangan ng COVID-19 patients,” ani Vergeire.
Samantala, nakatakdang magbukas ang dalawang passenger vessel bilang temporary quarantine facility ng mga Pinoy overseas worker at seafarers.
Ang mga nasabing barko ay mula sa private company na 2GO ng businessman at adviser ng pangulo na si Dennis Uy.
Ayon kay Usec. Vergeire, kayang mag-accommodate ng hanggang 800 at dagdag na 300 indibiduwal ang naturang mga sasakyang pandagat.
“Ito ay para maisailalim sila sa mandatory 14-day quarantine period pagdating nila rito sa ating bansa,” ani Vergeire.
Ang inisyatibong ito ay sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) matapos mabatid na ilang ospital ang napuno ng pasyente dahil sa COVID-19.
May ilang non-COVID patients ang kailangan pang tanggapin ng mga pagamutan.
“Most hospitals in Metro Manila have already pleaded for help in attending to COVID-19 patients. Some of them can no longer accept more patients due to overcapacity, and that is what we are trying to address here,” ani DOTr Secreatray Arthur Tugade.
Ang Philippine Coast Guard (PCG) ang inatasan na magbantay sa quarantine ships para masigurong walang magiging aberya sa magiging operasyon nito.
Makakasama nilang magmando ang DOH at Bureau of Quarantine. (CYNTHIA MARTIN)