NAIRAOS nang maayos ang panganganak ng isang 23-anyos ginang sa pagtulong ng isang outstanding cop ng Valenzuela City Police, na kasalukuyang duty frontliner sa Barangay 764 Zone 83, San Andres, Maynila kamakalawa.
Sa ulat ng Manila Police District – Sta. Ana Station (MPD-Ps6), nakapanganak nang maayos si Shiela Mae Villegas, sa kanilang bahay sa tulong ni P/Lt. Jhonn Florence Alacon, duty police frontliner sa nasabing barangay.
Naganap ang insidente dakong 8:44 am kahapon nang mapansin ni Alacon ang komosyon sa loob ng bahay nina Villegas bunsod umano ng napunit na panubigan ng buntis na nakatakdang manganak.
Hindi nag-atubili si Alocan na ayudahan ang buntis hanggang nagawa niyang mapaanak nang maayos si Villegas na nagsilang ng isang malusog na lalaking sanggol.
Nang manganak si Villegas, tinulungan ni Alacon na madala sa malapit na lying-in ang mag-ina.
Nasa maayos na kalagayan na ang mag-ina at labis ang pasasalamat ni Jason Villegas, asawa ng babae.
Nabatid na si Alacon ay kasalukuyang duty offier ng NCRPO sa nasabing lugar at biyayang maituturing para sa mag-ina dahil siya ay isang huwarang pulis na ginawaran ng pagkilala bilang Outstanding Junior Non- Commissioned Officer noong 2017 ng Valenzuela Police.
(BRIAN BILASANO)