PULMONYA ang sakit ng beteranong aktor na si Domingo Cobarrubias o mas kilala sa showbiz bilang si Menggie Cobarrubias, 68, pero dahil hindi nawawala ang lagnat niya simula pa noong Marso 20 kaya nagpa-confine siya sa Asian Hospital and Medical Center, Alabang Muntinlupa at sinabihan siyang person under investigation para sa COVID-19.
Pasado 9:00 p.m. ng Miyerkoles ay nabasa namin sa kanyang Facebook account ang, ‘Good bye’ at kaagad naman siyang tinanong ng mga kaibigan at pinalakas ang loob niya dahil marami pa silang pelikulang gagawin at may nagsabing maglalaro pa sila ng golf.
Kahapon (Huwebes) ng umaga ay nag-post ang asawa niyang si Gng. Gina Jorge Cobarrubias, “Goodbye my love. Thank you for the 30 wonderful years. I love you. Dear God please give me the strength to be able to face this very difficult moment of my life.”
Huli naming nakasama si Tito Menggie sa storycon at mediacon ng pelikulang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon ng Cineko Productions ang nanalong Best Film sa Cinemalaya 2018 kasama sina Ms Perla Bautista at Dante Rivero.
Nasa storycon kami ng pelikula na ginanap sa Icings, Sct Dr. Lazcano, Quezon City ay nasabi niyang tinanggap niya ang pelikula dahil bukod sa maganda ang script ay unang beses niyang gaganap na bida dahil halos lahat ng project niya, pelikula o telebisyon ay pawang supporting role ang ibinibigay, kaya naman abot-abot ang pasalamat niya kay Direk Carlo Enciso Catu at Omar Sortijas na isinama siya sa pelikula.
Sabi pa niya, “lahat naman tayo roon na papunta (dapithapon).”
Sakto nga, nahintay na ni Tito Menggie ang kanyang ‘dapithapon.’
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan