MAAARING ituring na persons under investigation (PUIs) ang mga miyembro ng gabinete at ilang mambabatas dahil nakasalamuha sa isang pulong kamakailan sa Palasyo si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa kalatas ni Yap, humingi siya ng dispensa sa mga nakahalubilo niya mula noong nakalipas na 15 Marso dahil sampung araw o kahapon lamang lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19.
Isa sa tinukoy ni Yap na pinuntahan niya ang Malacañang para dumalo sa pulong na tatalakayin ang mga hakbang para sugpuin ang pandemic bilang chairman ng House Appropriations Committee.
Sa kanyang Facebook page na may petsang 21 March, dakong 7:38 pm, inilathala niya ang mga larawan ng kanyang pulong Malacañang.
Ilan sa nakasama niya sina Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr., Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Finance Secretary Carlos Dominguez, Sen. Christopher Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Rep. LRay Villafuerte, Speaker Alan Peter Cayetano, DSWD Secretary Rolando Bautista, at Budget Secretary Wendel Avisado.
Kapansin-pansin sa mga larawan na hindi ipinatupad sa pulong ang social distancing at lahat sila’y walang suot na face mask.
Dahil sa pag-amin ni Yap na nagpositibo siya sa COVID-19, inihayag nina Avisado at Bautista na magse-self quarantine sila, si Año ay sinabi pang may enough social distancing at naka-face mask silang lahat taliwas sa mga larawang post ni Yap sa kanyang FB account.
Habang si Villafuerte ay umatras na bilang panauhin sana ngayon sa Laging Handa public briefing ng PCOO.
Samantala, ipinagtanggol ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang ginawang pagpunta ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel sa Makati Medical Center para ihatid ang asawa na manganganak.
“Of yes, of course. ‘Di naman ano ‘yan e. Kung alam n’ya talaga bakit naman siya lalabas? E ‘di nahawa pa ang asawa n’ya. That’s very important. If he knows that he has a symptoms that will probably point to that, why should he risk his wife’s health? Sige nga? Asawa n’ya ‘yun pati anak n’ya oh ‘di ba? Mabigat na argumento ‘yun. Mahirap sirain ‘yun okay,” ani Panelo.
“Yan ang akin. How can he risk his own wife’s life and child’s life kung alam n’ya iyon? Hindi n’ya gagawin ‘yun,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)
SEN. GO SASAILALIM
SA SELF-QUARANTINE
“IT IS unfortunate that Cong. Eric Yap has tested positive for COVID-19. We are currently initiating contact tracing, particularly those present during a meeting I attended last Saturday.”
Ito ang panimulang pahayag ni Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang desisyon na sumailalim sa self-quarantine matapos kompirmahin ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na siya ay positibo sa COVID-19.
“Puro po ako trabaho noong nakaraang mga araw. Wala naman po akong nararamdamang sintomas ng sakit. But since protocol requires that those who were directly exposed to persons positive for COVID-19 need to undergo self-quarantine, I am left with no choice but to comply,” dagdag ni Sen. Bong.
Binigyan diin ni Go, “Lagi naman po akong handa na gampanan ang aking tungkulin. Pinili ko itong trabahong ito na magserbisyo. Kaya patuloy po akong maglilingkod sa kapwa ko Filipino.”
Sa huli, sinabi ni Go na handa siyang mamatay sa ngalan ng paglilingkod sa bayan.
“I am always ready to fulfill my duties as a senator and public servant – anytime, any minute, regardless of the situation – in a manner that will not put others at risk. I will continue to serve and I am ready to die serving my fellow Filipinos,” pagwawakas ni Sen. Bong. (ROSE NOVENARIO)