MAMAMAHAGI ng personal protective equipment (PPE) ang Department of Health (DOH) sa mga ospital na naubusan ng supply dahil sa paghawak ng mga pasyenteng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health spokesperson, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan magpadala ng mga ospital ng request sa e-mail address na: [email protected].
“Pagkatanggap ng requests ipoproseso ito ng DOH at maglalaan ng kinakailangang PPEs para sa requesting hospital. Para sa health facilities na malapit (sa DOH), maaari ninyong kunin ang mga PPEs sa DOH compound kung nakakuha na kayo ng abiso (na handa nang kunin ang inyong PPEs).
“Kung malayo, maaaring ihatid ng DOH sa kanilang ospital o sa pamamagitan ng aming regional office ang tinawag nating DOH Center for Health Development.
“Maaari rin sa malapit na DOH regional office kayo dumulog dahil mayroon na rin tayong ipinamamahaging mga donasyon. Sa DOH Central office galing ‘to,” tagubilin ni Vergeire.
Sa nakalipas na linggo, ilang health workers ang nanawagan ng tulong para madagdagan ang stock ng kanilang PPEs gaya ng face masks at iba pang gamit sa ospital para maiwasan ang pagkahawa nila sa pandemic virus.
Batay sa ulat ng The Medical City, higit 100 health workers nila ang naka-quarantine dahil sa exposure sa COVID-19 patients.
Sa University of Santo Tomas (UST) Hospital naman, 530 staff ang pinag-quarantine dahil sa parehong rason.
“Aalamin natin kung ano ang mga issue at humantong sa ganito ang pangyayari. Paano ang kanilang infection prevention and control hanggang maging malinaw sa atin kung ano ang dapat gawin,” ani Vergeire
(CYNTHIA MARTIN)