PANSAMANTALANG isinailalim sa quarantine ang 150 health workers ng The Medical City sa Pasig City dahil sa kanilang exposure sa ilang pasyente ng ospital na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Inamin ito ng presidente at chief executive officer ng ospital na si Dr. Eugenio Jose Ramos sa isang panayam, na nagpayo sa ilang nurse at doktor na umuwi muna at mag-quarantine ng 14 araw.
Kabilang sa mga pinag-isolate ng ospital ang 95 nurser, 13 residents at fellows, 12 emergency room physicians, at 24 house staff.
Sa kasalukuyan, may ilang nakabalik na sa kanilang duty dahil nanatili silang asymptomatic.
Pero, ilang pasilidad ng ospital ang humigit na sa kapasidad gaya ng Intensive Care Unit (ICU), na apat na patients under investigation (PUIs) ang naka-hook sa respirator.
Nagkakaubusan na rin umano ng personal protective equipment (PPE) para sa mga health personnel.
Katunayan, ang mga supply na mayroon ngayon ang ospital ay galing umano sa mga donasyon at suppliers.
Sa datos ng Department of Health, 35 mula sa 307 positive case ng COVID-19 ang na-admit sa The Medical City. (CYNTHIA MARTIN)