INILINAW ng Palasyo na tanging ang mga turistang Pinoy lang ang pagbabawalang makalabas ng bansa habang umiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine sa rehiyon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga outbound passenger ay maaaring umalis ano mang oras kahit umiiral ang quarantine.
Gayonman, dapat ang kanilang departure ay naka-schedule sa loob ng 24 oras mula nang umalis sila sa kanilang mga hotel o tahanan. Kailangan lamang nilang ipakita ang kanilang travel itinerary.
Ang outbound international flights ay para lamang sa foreigner, overseas Filipino workers (OFWs), at mga balikbayan.
Isang indibiduwal o driver lamang ang maaaring maghatid sa pasahero sa airport, at kailangan nitong magdala ng sariling kopya ng ticket ng pasahero bilang katibayan. Kailangan rin umalis agad ang driver matapos i-drop off ang kaniyang pasahero.
Kaugnay sa inbound flights, ang mga Pinoy at OFWs na uuwi ng bansa, ay papayagan ano mang oras.
Papayagan rin makapasok sa bansa ang kanilang foreign spouses at mga anak, maging ang mga permanent resident sa bansa.
Para sa mga Pinoy na magmumula sa China, Hong Kong at Macau, sila ay sasailalim sa 14-day quarantine sa mga quarantine facility.
Para sa ibang Pinoy na magmumula sa ibang bansa, dapat ay sumunod sila sa mandatory home quarantine.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang mga international passenger ay pahihintulutan rin makapasok ng bansa ngunit subject to strict immigration, at quarantine measures.
Ang mga pasaherong mula sa Iran at Italy ay nangangailangan ng medical certificate na pinagtibay ng kanilang embahada, at nagpapatunay na maayos ang kanilang kalusugan.
(ROSE NOVENARIO)