TUMATAAS ang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa panayam kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinabi niyang ang ibang kaso ay walang kaugnayan sa mga naunang pasyente.
“Nakita natin ‘yung ibang kaso wala na siyang relasyon sa ibang kaso… Pag ganito na po ang itsura ng ating sitwasyon, ibig sabihin (Some cases are not related. With this situation, it means) we already have sustained community transmission,” aniya.
Sa ulat ng DOH, nadagdagan ng 45 bagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 kahapon 17 Marso.
Ayon sa DOH, ang mga bagong pasyente ay itinalang PH143-PH187, ibig sabihin umabot na sa kabuuang bilang na 187 ang naitalang kaso ng COVID-19.
Kamakailan, sinabi ng Health department ang pagtaas ng bilang ng local cases na hindi makita ang pinagmulan ay maaaring ipakahulugan na mayroong community transmission.
Kinompirma ito ni Health Secretary Francisco Duque III sa press briefing sa Malacañang Palace nitogn Lunes ng gabi.
“This means that some cases no longer have a history of travel to COVID-19 affected countries, exposure to a positive COVID-19 case. You can no longer link it to each other,” ani Duque.
“In effect, there is already [an] unlinkable clustering of cases or untraceable chains of transmission in the community,” dagdag niya.
Kahapon, dakong 4:00 pm 17 Marso, ang bilang ng kompirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa ay umabot na sa 187, kabilang ang 12 namatay. Samantala, apat na pasyente ang gumaling sa nasabing sakit.
Ang pinakabagong naka-recover, ayon sa DOH, ay si PH25, 31-anyos na lalaki mula sa Negros Occidental. Isa siya sa repatriates ng M/V Diamond Princess cruise ship.
Nakompirmang COVID-19 patient noong 9 Marso, ipinasok sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital, at dalawang na sinuri at nagnegatibo sa coronavirus. (CYNTHIA MARTIN/VV)