INARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang Chinese national dahil sa pagsalungat sa trapiko para makaiwas sa checkpoint habang ipinatutupad ang “enhanced community quarantine” sa Quezon City.
Sa ulat kay QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, nakilala ang suspek na si Jian Pang, 33, technician sa SENHHO Philippines Electrical Corp., residente sa 9th St., Rolling Hills Subdivision, Ejercito Compound, New Manila, Quezon City.
Sa imbestigasyon, dakong 2:15 am, 17 Marso 2020, habang abalang ipinatutupad ang checkpoint gayondin ang thermal scanning sa San Mateo-Batasan Rd., malapit sa Shell Gasoline Station, Barangay Batasan Hills, Quezon City, para hindi maabala sa sobrang trapik ang suspek na sakay ng kanyang minamanehong gray Ford Everest, may plakang NDK 9319, nag-counterflow patungong IBP Road.
Dahil dito, hinabol at inaresto ang suspek at dinala sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal.
Siya ay kinasuhan ng paglabag sa Art. 151, Revised Penal Code (Resistance and disobedience to a person in authority or the agents of such person), RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code), at RA 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).
Kaugnay nito, nanawagan si Montejo sa publiko para sa kanilang kooperasyon lalo na’t nahaharap ang bansa sa isang krisis.
Hiniling ni Montejo na respetohin ang checkpoints, igalang, at sumunod sa awtoridad sa pagpapatupad ng “enhanced community quarantine” para sa seguridad at proteksiyon ng lahat.
“…report immediately to authorities any suspected case of COVID-19 through PNP hotlines such as ISEND MO SA TEAM NCRPO: GLOBE 09158888181, SMART 09999018181 and QCPD DD’S TIPLINE: 09175410621. dagdag ni Montejo. (ALMAR DANGUILAN)