ISINAILALIM ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘lockdown’ ang buong Luzon sa layuning makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong kapuluan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang kahulugan ng Luzon-wide lockdown o enhanced community quarantine, lahat ng tao ay kailangang nasa loob ng kanilang bahay.
Ang deklarasyon ng Pangulo ay ginawa, sa panahon na mainit na pinag-uusapan ang mahabang oras na pagkakabinbin ng mga pasahero at motorista, sa checkpoints na inilagay sa bounadaries ng Metro Manila dahil sa iilang health workers na nagsasagawa ng thermal scanning at law enforcers na nagrerekorida sa dokumento ng mamamayan.
“It means we will have to stay at home. Work will be suspended. There is suspension of work… The general rule is there is suspension of work,” ani Panelo.
Batay sa memorandum na inilabas ng Palasyo kaugnay sa NCR lockdown, ang enhanced community lockdwon ay suspendido ang mass transportation o walang puwedeng magbiyahe maliban sa “frontline health workers, authorized government officials, medical or humanitarian reasons as well as transport of basic services and necessities.”
Ayon kay Panelo, ihahatid ang pagkain at batayang pangangailangan sa mga bahay na pangangasiwaan ng lokal na pamahalaan.
“Provision for food and essential services shall be regulated – the respective LGUs will have to create a system where food and essential needs will be delivered to the homes of the communities,” ani Panelo.
Madaragdagan din ang ipakakalat na puwersa ng militar at pulisya upang matiyak na susunod ang mga mamamayan.
Matatandaan, itinaas ng Pangulo sa pinakamataas na public health alert sa Code Red Sublevel-2 noong nakalipas na Huwebes, 12 Marso.
Sinuspendi ang mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila hanggang 14 Abril 2020 maging ang pasok sa gobyerno sa sangay ng ehekutibo at skeletal force lamang ang magmamantina ng operasyon ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Sinabi ng Pangulo na malaking dagok sa ekonomiya ng bansa ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 kaya ang panawagan niya sa malalaking negosyante, ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado o ang kalahati ng kanilang suweldo kahit hindi sila nakapagtatrabaho sanhi ng Luzon-wide lockdown.
Paliwanag niya, balewala ang pagsusumikap na kontrolin ang paglaganap ng COVID-19 kung naglalabas pasok sa Metro Manila araw-araw ang mga obrero na nakatira sa mga karatig lalawigan kaya’t nagpasya siyang ipatigil pansamantala ang trabaho sa public at private sector hanggang 12 Abril 2020.
Inatasan niya si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rodolfo Bautista na mag-ikot sa mga pamayanan upang alamin sa mga barangay chairman kung sino sa kanilang constituents ang nagugutom at rarasyonan sila ng pagkain ng pamahalaan.
Giit ng Pangulo, responsibilidad ng mga punong barangay na atupagin ang pangangailangan ng kanilang pamayanan at kung hindi nila gagawin ito ay kakasuhan sila ng Palasyo.
“Ito namang food, si Rolly will have to go around iyong mga ano siguro, Rol, you utilize all vehicles of government available, just go around and maybe asking if there is somebody starving or in need of food. What I would like to assure you, ang ano dito is: saan kami kukuha ng pagkain ‘pag hindi kami lumalabas?
“Now it behooves upon the barangay captain. Itong mga barangay captain makinig kayo, this is a mandatory duty, it does not have to have a law because the proclamation itself suggests that there is really a need for you to work with government. And if you violate this, then you can be liable for dereliction of duty or other [regulatory?] measures which you are supposed to do and do not do it and then you violate a law,” tagubilin ng Pangulo.
“The barangay captains should call a number and at least food, rice and some ano ‘yung ulam puwede ninyong ibigay sana para sa ating mga kababayan,” dagdag ng Pangulo.
Inutusan niya ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) na bigyan ng dagdag na kompensasyon ang health workers.
ni ROSE NOVENARIO