SINUSPENDE ng Philippine Amusement and Gaming Corruption, este, Corporation (PAGCOR) ang operasyon ng mga land based casino dahil sa mabilis na pagkalat ng coronavirus nitong Linggo.
Ayon sa PAGCOR, “The suspension applies to land-based casinos (both Pagcor-owned and operated, as well as all licensed and integrated resort-casinos), electronic game [eGames], bingo traditional and electronic sports betting, poker and slot machine clubs, and other activities regulated by Pagcor, and will last for the duration of the National Capital Region [NCR] community quarantine imposed by the government.”
Pero ilang araw bago isara ang mga casino, isang mataas na opisyal ng Manila City Hall ang madalas makitang nagbababad sa isang casino sa lungsod ng Parañaque.
Ang nasabing opisyal ay matagal naging konsehal ng Maynila at ngayon ay humahawak ng mataas na puwesto sa administrasyon ni Yorme Isko Moreno.
Nakompirma natin ang kanyang pagsusugal matapos ipakita ng impormante ang kuhang larawan ng nasabing opisyal habang tumitipa sa slot machine ng casino.
Ayon sa impormante, malimit pang makatabi sa mga upuan ng slot machine ng nasabing opisyal at kasabay niyang nagsusugal din ang isang lalaki na nakahahawig daw ng actor na si Philip Salvador ang porma.
Masuwerte naman ang dating konsehal, sa kanyang palagiang pagsusugal ay hindi man lang siya namukhaan ng mga security kahit mahigpit na ipinagbabawal sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan ang pumasok sa mga casino at pasugalan.
Ang batas na bawal sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno ang pumasok sa mga casino at pasugalan ay nasasaad sa PD 1067, alinsunod sa Republic Act 6713.
Sa mga magtatanong sa pagkakakilanlan ng opisyal ng City Hall na dating konsehal ng Maynila, payatot siya na mukhang butiki at kahit noong kabataan ay mabibilang na ang buhok sa kanyang ulo.
Kahit gano’n ay tipong artistahin naman ang dating ng City Hall official na may hawig kay ‘Gollum’ sa pelikulang “Lord of the Rings.”
Noong konsehal pa siya ay napabalita na naging ‘jowa’ niya ang isang noo’y batam-batang kasamahan sa konseho.
Kung ‘di pa siguro nasuspende ang mga casino, malamang ay positibo na siya sa COVID-19.
Kaya’t payo natin sa city hall official, bumili na lang ng sariling slot machine at sa bahay na lang siya sumailalim sa self-quarantine.
Sakaling hindi pa mahulaan ni Yorme Isko at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang tinutukoy natin ay pakitanong na lang sa ibang city hall official na dating kasamahan niya sa konseho ng Maynila.
Kilala ba ni Konsehal Jong Isip ng 3rd Dist. kung sino ang nabanggit na opisyal?
ALCOHOL NG MAG-AMANG BENNY AT PRINCESS ABANTE
SA biglang tingin, aakalain na ang mag-amang sina pastor cum Rep. Benny Abante at Kon. Princess Abante (6th Dist.) ay endorser ng isang bagong produkto.
Habang isinusulat natin ang pitak na ito, kasalukuyan pang pinuputakte at pinapipiyestahang banatan ng netizen ang mag-amang Abante dahil trending sa Facebook ang kanilang mga pagmumukha na nakadikit sa malalaking container na naglalaman ng alcohol.
Nakadikit ang larawan ng mga Abante sa malalaking plastic container at kontodo nakasulat pa ang malalaking letra ng kanilang pangalan sa alcohol na ipinamumudmod umano sa mga residente ng 6th Dist. sa Maynila.
Wala naman sanang masama sa pamamahagi ng alcohol lalo’t libre dahil pahirapan nang makabili nito, at kung mayroon man ay napakamahal dahil sa talamak na hoarding ng mga walanghiya.
Kaya nga lang, imbes ituring na responsibilidad ay mas nais nilang tanawin na malaking utang na loob sa kanila ng kanilang constituents ang pamamahagi nila ng alcohol.
Aba’y, malilipol na ang sangkatauhan ay nagagawa pang mamolitika ng mag-amang Abante?
KALAMPAG
ni Percy Lapid