UMABOT na sa bilang na 140 ang kaso ng coronavirus (COVID 19) sa bansa matapos madagdagan ng 29 bagong kaso kahapon, ayon sa Department of Health (DOH).
Dakong 12:00nn kahapon, iniulat ng DOH ang bagong mga kaso.
Kamakalawa, iniulat ng DOH ang pagkamatay ng dalawang COVID-19 patients.
Si PH89, 7th death ay isang 67-anyos Filipino, lalaki, mula sa San Fernando, Pampanga, walang travel history sa laban ng bansa, namatay noong 11 Marso, 8:50 pm.
Ikawalo sa mga namatay si PH79, 68 anyos, Filipino, lalaki, taga-Makati City. Wala siyang travel history sa ibang bansa, wala rin history ng pagkakalantad sa COVID-19.
Kahapon, iniulat na tatlo pa ang pumanaw, sina PH9, Ph54, at PH39.
Isang 86-anyos American citizen ang 9th death a Filipinas mula sa Marikina City, may travel history sa USA at sa South Korea. Namatay noong 14 Marso 2020, 2:42 am.
Lalaking edad 40 anyos mula sa Pasig City ang ika-10 namatay sa COVID-19, walang travel history sa labas ng bansa at wala rin exposure sa nasabing sakit sa loob ng 14 araw. Dakong 1:45 am nang mamatay nitong 15 Marso 2020.
Mula Negros Oriental, ang 64-anyos Filipino, lalaki, ang ika-11 namatay, na hinihinalang nahawa sa Greenhills, San Juan City. Namatay noong 15 Marso 2020 dakong 11:09 am.
Patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang DOH hinggil sa mga bagong kaso ng sakit.
Kasabay nito, hiniling ni Health Secretary Francisco Duque sa publiko na makipagtulungan sa health workers and medical practitioners upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.
“Our frontline health workers and medical personnel are risking their safety to respond to the needs of the public, all we ask is for you to do your part: practice preventive measures, go on strict home quarantine if you are experiencing mild symptoms, and help halt the spread of fake news,” pakiusap ng Kalihim.
Sinabi ni Duque, ang maayos na partisipasyon ng bawat isa ang susi para masugpo o mabigyan ng agarang solusyon ang COVID 19.
“At this most trying time, our strongest weapon as a nation is Vigilance, preparedness, and solidarity,” ayon kay Duque. (C. MARTIN)
MEDICAL PRACTITIONER
IKA-2 KASO NG COVID-19
SA LALAWIGAN NG CAVITE
KINOMPIRMA ni Health Secretary Duque na may panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Cavite.
Ito ay matapos ipaabot ni Governor Jonvic Remulla, at kasalukuyang naka-confine sa isang pribadong ospital sa Silang, Cavite, na isang medical practitioner.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) dalawa na ang kaso ng COVID-19 sa Cavite.
Nagpaalala ang gobernador sa mga residente ng Cavite ukol sa ipinatupad na community quarantine sa Metro Manila.
Kung kailangang pumunta ng Metro Manila, magdala aniya ng mga dokumento para maipakita sa mga itinalagang checkpoint.
Maging handa rin aniya sa posibleng makaranasang delay sa pagpasok at paglabas ng NCR.
Samantala, pinaalalahanan ni Remulla ang mga taga-Cavite na mataas ang tsansa na magkaroon ng community transmission.
Dahil dito, iminungkahi niyang manatili na lamang aniya sa kani-kanilang tahanan kung wala namang importanteng lakad.
(CYNTHIA MARTIN)