TATLO katao, kabilang ang isang fire volunteer ang nasugatan habang nasa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Malabon City Fire Marshal Supt. Michael Uy, dakong 3:00 am nang sumiklab ang sunog sa bahay na inuupahan ni Lita Quitlong sa Letre, Brgy. Tonsuya, hanggang mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Napaulat, wala si Quitlong sa kanyang bahay nang sumiklab ang hindi pa matukoy na pinagmulan ng sunog.
Kaagad iniakyat ng BFP ang sunog sa ikaapat na alarma at idineklarang under control dakong 4:57 am bago tuluyang naapula 6:02 am. Tinatayang nasa P1.5 milyon halaga ng ari-arian ang naabo.
Dalawang residente sa lugar ang napaulat na nasugatan at napinsala ng second degree burn sa katawan habang dumanas ng heat exhaustion ang isang fire volunteer. (ROMMEL SALES)