TINAPOS ng Palasyo ang ‘pagtatampo’ sa mga bansang lumagda pabor sa resolusyon ng Iceland na humirit na imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa United Human Rights Council dahil sa extrajudicial killings bunsod ng drug war.
Sa inilabas na memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong 27 Pebrero 2020, tinanggal na ang suspension order ni Pangulong Duterte at nakahanda na muli ang Filipinas na tumanggap ng donasyon o mangutang mula sa mga bansa na sumuporta sa resolusyon ng Iceland.
Inatasan sa resolusyon ang buong gabinete, maging ang mga government-owned and controlled corporations (GOCC), at government financial institutions na maaari nang mangutang sa ibang bansa.
Kinakailangan lamang umanong kumuha ng approval mula sa approving authority at clearance ang mga miyembro ng gabinete at tiyaking sumusunod sa mga panuntunan.
Walang ibinigay na rason ang Palasyo sa pagbawi sa suspension order.
Matatandaan, inilabas ni Pangulong Duterte ang suspension order noong nakaraang taon matapos magalit sa Iceland dahil sa pakikialam sa panloob na usapin sa Filipinas.
Kabilang sa mga sumuporta sa resolusyon ng Iceland ang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, UK, at Uruguay.
(ROSE NOVENARIO)