HINDI pa ‘feel’ ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pagiging ‘mambabatas’ o statesman.
Ito ang pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kaugnay ng inasal ni Senador Bato nang mag-alboroto dahil hindi pinaboran ng mga kapwa mambabatas ang resolusyong hinihiling sa Korte Suprema na maglabas ng ruling kung kinakailangan o hindi ng partisipasyon ng senado sa abrogasyon ng mga tratadong pinasok ng Filipinas.
Naunang nagpahayag si Sen. Bato na miyembro nga sila ng mayorya ngunit para silang minorya sa senado.
Paliwanag ni Sotto, hindi porke miyembro ng majority ay laging iisa lahat ng boto.
Aniya, ito ang Philippine Senate na independent ang bawat isa sa mga opinyon sa bawat isyu na tinatalakay sa plenaryo.
Kaya nga, aniya, mayroong open debate sa plenary para ipaglaban ang kanya-kanyang opinyon para makuha ang boto ng mga kapwa senador.
Dagdag ni Sotto, kung hindi makakuha ng boto hindi dapat sumama ang loob ng isang senador dahil ito ang nakagawian ng senado.
Inihalimbawa ni Sotto ang mga nakaraang kongreso na nagkakasigawan ang mga beteranong mambabatas pero matapos ang debate walang nagtatanim ng sama ng loob.
(CYNTHIA MARTIN)