NILAGDAAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila Ordinance No. 8607 na nagdedeklarang ang isang bahagi ng lupa sa Arroceros St., ay isang forest park sa kabiserang lungsod ng bansa.
Ayon sa ulat, dating pag-aari ng dating Department of Education and Sports (DECS) ang Arroceros Forest Park at ang pagdedeklara rito bilang ordinansa ay bahagi ng naging plataporma ni Moreno noong 2019 mayoralty election sa lungsod.
Base sa nakasaad sa Republic Act No. 5752, o ang Local Autonomy Act, nagbibigay ito ng mandato sa mga lungsod upang magtatag, magpaunlad at magmantina ng permanent forest, tree parks, o watershed sa mga public land.
“The use and enjoyment of the Arroceros Forest Park must be consistent with the principles of sustainable development and the right of the people to a balanced and healthful ecology,” saad sa ordinansa.
Nakasaad rin ang pagbabawal sa pagputol ng mga puno, pagtatapon ng basura at anomang uri ng excavation o paghuhukay sa forest park.
Kaugnay nito, may karampatang multa na nagkakahalaga ng P2,500 sa unang paglabag ang sinomang susuway sa ordinansa, P3,500 multa sa ikalawang paglabag, at P5000 multa o pagkakakulong sa mga lalabag sa ikatlong pagkakataon.
Upang mapanatili ang katiwasayan at kaayusan sa Arroceros Forest Park, magkakaroon ng deployment ng peace officers na may karapatang mag-isyu ng citation ticket laban sa mga pasaway na lalabag sa nasabing city ordinance.
Sisiguradohin rin ni Mayor Isko ang maayos na management plan para sa operasyon at pagmamantina ng liwasan na pangangasiwaan ng Park Governing Committee.
Isang milyong piso ang inilaan na pondo para sa operasyon ng nasabing forest park.
(BRIAN BILASANO)