TINANGGAP man ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apology ng ABS-CBN, aminado siya na hindi pa niya kayang pirmahan ang panukalang batas para sa renewal ng prankisa ng Kapamilya network.
Sa ambush interview sa Palasyo kagabi, sinabi ng Pangulo na tinatanggap na niya ang paghingi ng paumanhin ng ABS-CBN kung nasaktan ang kanyang damdamin sa inilabas nilang kritikal na political advertisement laban sa kanya at hindi pag-ere nang buo ng kanyang binayarang campaign advertisement noong 2016 presidential elections.
“Tinatanggap ko na,” anang Pangulo.
Gayonman, aminado ang Pangulo na kapag nakarating sa kanyang mesa ang panukalang batas na nagtatakda ng franchise renewal ng ABS-CBN, mahihirapan siyang pirmahan ito o magdesisyon.
Aniya, hihilingin niya sa media na tulungan siyang magpasya sa nasabing usapin.
“ I will cross the bridge when I get there. I will call the media to help me out. It will be a difficult decision,” giit niya.
Kasabay nito, hinamon ng Pangulo ang sinomang makapagsasabi na iniimpluwensiyahan niya ang Kongreso sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN sa pamamagitan ng pagbibitiw bilang presidente ng bansa.
Habang si Presidential Spokesman Salvador Panelo ay inihayag na dapat managot ang mga kongresista sa kanilang constituents sa hindi pag-aksiyon sa mga panukalang batas na naglalayong i-renew ang prankisa ng ABS-CBN.
“They should be accountable to the people. They’re supposed to represent their districts, so they will have to account for their constituents why they have not done anything of this particular subject matter,” aniya.
Inilinaw ni Panelo, walang bisa ang joint resolution na nais ipasa ng dalawang Kapulungan ng Kongreso para palawigin ang prankisa ng nasabing TV network dahil batas ang kailangan para ipatupad ito.
“I already issued also an opinion on the fact that a resolution cannot be binding, it has to be a law. And the former Chief Justice Puno shared my opinion. He just made a legal opinion on that because there has been a Supreme Court ruling many years ago that a resolution cannot be as binding and effective as a law. So they really need to do their work,” ani Panelo.
(ROSE NOVENARIO)