IPINADAKIP ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila Police District, ang isang Chinese national na nag-viral sa social media dahil sa ilang beses na pagdura sa isang kilalang fast food chain sa Maynila.
Kinilala ang inarestong Chinese national na si Jinxiong Cai, alyas Willy Choi, 35 anyos, nagpakilalang negosyante, at residente sa Room E, 45/F, Orchard Garden, Masangkay St., Tondo.
Agad nadakip ang suspek matapos iutos ni Mayor Isko na nagalit sa ginawang pambabastos ng suspek.
Ayon sa ulat na nakarating, kay MPD DD P/BGen. Bernabe Balba, nadakip si Cai sa 9/F amenities area ng Orchard Garden, base sa reklamo ni Alejandro Natividad, 63, security guard ng McDonald’s na matatagpuan sa Masangkay St., dakong 7:50 pm.
Nakunan ng video ng isang netizen ang nasabing dayuhan na nag-viral sa social media ang kawalanng kagandahang asal.
Nakaupo sa loob ng fast food chain ang suspek dakong 2:00 am noong 22 Pebrero at dumura sa sahig, habang nagbibitiw ng hindi magagandang pananalita laban kay Natividad at crew ng McDonald’s.
Nakunan rin umano ng CCTV footage ang suspek habang patungo sa kainan ay itinulak pa ang dalawang nakaparadang motorsiklo sa harapan ng Orchard Residences kaya nabuwal at nasira.
Nakarating sa alkalde ang ginawa ng suspek kaya ipinag-utos na dakpin ang dayuhan.
Matatandaan, kamakailan ay may isang motoristang Chinese national rin ang nahulihan ng droga sa kahabaan ng Abad Santos Ave., Tondo ngunit nandura sa isang miyembro ng MPD, ngunit kalaunan ay naharap sa patong-patong na kaso maging paglabag sa Immigration Law.
(BRIAN BILASANO)