MAYOR pa lang ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte ay close na siya sa ilang kilalang artista tulad nina Philip Salvador at Elizabeth Oropesa.
Nadagdag pa sa listahan sina Cesar Montano at Robin Padilla at marami pang iba. At dahil malapit ang presidente sa mga nabanggit ay parang hindi naman yata mahirap maunawaan ang panawagan ng Kapamilya stars para sa renewal ng prankisa ng kanilang mother network na ABS-CBN. Lahat sila ay kumakatok sa puso ng ating Pangulo at isa na rito ang kilalang matulungin at nagbibigay ng pag-asa sa mga artistang hindi na nabibigyan ng proyekto na kanyang isinama sa mahigit apat na taon nang “FPJ’s Ang Probinsyano — si Coco Martin ang ating tinutukoy.
Narito, ang panawagan o pakiusap ni Coco na ipinoste niya sa kanyang Instagram account,
“Napakalaki ng utang na loob ko sa ABS-CBN, natupad ko lahat ng pangarap ko para sa sarili ko at sa aking buong pamilya.
Dahil sa ABS-CBN, napakaraming tao at pamilya na nabigyan ng oportunidad magkaroon ng maayos na buhay. Sa Pamamagitan ng FPJ’s Ang Probinsyano, napakaraming taong natulungan, mula sa aming mga artista, staff at crew. Nabigyan ulit ng trabaho lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita sa telebisyon, nagkaroon ulit sila ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap! Halos 11,000 empleyado po ang mawawalan ng trabaho kung ipapasara ang ABS-CBN kabilang na po ako.
Paano na po ang aking pamilya at ang pamilya ng lahat ng nagtatrabaho sa kompanyang ito? Dito po kami umaasa ng aming ikabubuhay. Sa pagtatrabaho ko sa ABS-CBN ay nalibot ko na halos ang buong Filipinas at buong mundo upang pasiyahin at pasalamatan ang lahat ng mga Filipino na tumatangkilik sa aming mga pinalalabas. Gumagawa rin po ang ABS-CBN ng mga charity events upang makatulong sa ating mga kababayan.
Sa tuwing may sakuna ang ABS-CBN ay ginagawa ang abot ng kanilang makakaya upang makatulong sa lahat ng nangangailangan. At ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabuti ang hangarin ng ABS-CBN upang makatulong sa lahat ng mga Filipino. Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko kung mawawala ang ABS-CBN na naging malaking bahagi ng aking buhay. Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang estasyon na tumutulong nang malaki sa maraming buhay,” panawagan pa ni Coco sa lahat ng kanyang mga tagahanga.
Humamig ng libo-libong likes ang nasabing post ng hari ng teleserye.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma