TUMATAGINTING na 400% ang itinaas ng koleksiyon ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kompara noong nakalipas na taon.
Ito ang ipinagmalaki ni Mayor Francisco “Isko” Domagoso sa mga empleyado ng Manila City Hall, sa kanyang talumpati kamakalawa.
Base sa pahayag ni Mayor Isko, iniulat ni MPTB chief Dennis Viaje na ang anim na buwang kinolekta ng nakaraang administrasyon ay katumbas lamang ng isang buwang koleksiyon ng kasalukuyang pamunuan ng lokal na pamahalaang lungsod.
Ibinida ni Isko sa mga empleyado ng city hall na ang koleksiyon ng nakalipas na pamunuan ng MTPB ay P23 milyon lamang mula Enero hanggang Hunyo 2019.
Hindi hamak na mas malaki ang pumapasok na koleksiyon sa kaban ng lungsod sa panahon ni Isko dahil umabot sa P13 milyon ang koleksiyon ng MTPB nitong buwan pa lamang ng Enero 2020 mula sa violation receipts at parking fees ng may 800 tauhan ng MTPB.
Pahayag ni mayor Isko, “Hindi naman ako superman para dumami nang libo-libo ang koleksiyon sa loob nang ilang buwan. Simple lang ang analysis o analogy. Parehong petsa, ibang pamunuan o sistema. Ibig sabihin, matitino na ang mga empleyado.”
“Marami ang nagbabago kaya sana ay sumama na kayo. Don’t waste the opportunity to become part of this change… now is the time. ‘Pag retired na kayo, at least you have a story to tell… pupuwede ninyong ikuwento sa inyong mga anak o apo na noong sumigla at bumangon ang Maynila, bahagi ako no’n.”
Ikinompara ni Isko ang Maynila, bago siya naupo sa posisyon, isang malaking drum na maraming butas at ngayon ay unti-unti nang natatakpan ang butas kaya’t lahat ng pumapasok ay tiyak na napupunta sa kaban ng lungsod.
Kasabay nito, Ibinida rin ng alkalde ang tinanggap nitong 200 signages at 50 body cams mula sa Grab Phils na pinamumunuan ni Bryan Cu.
Kasunod nito, 1200 pamilyang biktima ng sunog ang nabahaginan ng financial assistance nina Mayor Isko at Vice Mayor Honey Lacuna sa Baseco Port Area.
(BRIAN BILASANO)