NASAKOTE ng Manila Police District (MPD) ang isang 50-anyos Chinese national na nahaharap sa patong-patong na kaso makaraang takasan ang dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa isang traffic violation kahapon ng umaga sa Binondo na nagtapos sa panulukan ng Tayuman at Abad Santos Avenue Tondo sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat, kinilala ang suspek na si Pablo Chu, Chinese national na hindi marunong umintindi ng English at Filipino, naninirahan sa Unit 184, The Noble Place, Binondo, Maynila.
Bukod sa kasong traffic violation, nahaharap pa sa ibang kaso si Chu nang takasan ang traffic enforcer, nahulihan ng ilegal na droga sa loob ng kotse, at dinuraan ang pulis na aarestosa kanya.
Naganap ang insidente dakong 7:45 am nang mamataan ng isang miyembro ng MTPB na si Arthur Almovugla na lumabag sa coding scheme ang suspek, lulan ng isang puting Toyota Fortuner may plakang NVT 7767.
Nabatid na tinangkang parahin ni traffic enforcer Almovugla ang sasakyan ng suspek ngunit nagtuloy-tuloy pa rin kaya hinabol ng MTPB enforcer sakay ng motorsiklo.
Sa pagharurot ng suspek, lulan ng SUV, tila sinadyang ararohin ang tatlong sasakyan para mabilis na makatakas.
Napahinto ang suspek nang bumagal ang trapiko sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave., malapit sa panulukan ng Tayuman St., kaya iniharang na ni Almovugla ang kanyang motorsiklo sa harapan ng SUV ng suspek.
Binangga ng suspek ang nakaharang na motorsiklo ni Almovugla ngunit tuluyang napahinto nang pumailalim ang motor sa sasakyan at masuwerteng nakalundag papalayo ang traffic enfocer.
Agad nagresponde ang iba pang yunit ng MPD at nang buksan ang bintana ay nakitang may kasamang babae ang suspek na Chinese.
Nang kapkapan, nakuhaan ang dayuhan ng isang sachet ng shabu dahilan para siya arestohin.
Hindi umano marunong magsalita ng English ang Chinese kaya naghahanap ng interpreter ang mga pulis para magkaintindihan sa isinasagawang imbestigayson.
Nabatid na dinuraan pa ng suspek ang nang-aarestong pulis, dahilan para kasuhan ng unjust vexation at direct assault bukod sa patong-patong na reklamo na reckless ìmprudence resulting to damage of property, traffic violations, at paglabag sa RA 9165 kilala bilang Dangerous Drug Act of 2002 dahil sa nakompiskang nakumpiskang droga at paraphernalia sa sasakyan na kanyang ginagamit.
Salaysay ng babaeng kasama ng suspek, nakita niyang gumagamit ng droga ang suspek hanggang sa loob ng naturang sasakyan kaya’t natakot siya hindi siya pinaaalis nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa suspek.
(BRIAN BILASANO)