MAS mainam na ilagay sa quarantine ang mga nagpapakalat ng ‘fake news’ o mongers kaugnay ng pinangangambahang 2019 novel coronavirus (nCoV) ng publiko.
Sinabi ito kahapon ni Committee on Health chairman Senador Christopher “Bong” Go, sa pagbubukas ng pagdinig sa senado ukol sa isyu ng 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Go, walang magawa ang mga nagpapakalat ng ‘fake news’ sa social media na hangad takutin ang publiko kaya mas dapat na sila ang ilagay sa quarantine.
Nananawagan si Go, imbes magpakalat ng ‘fake news’ dapat magtulungan dahil hindi maaaring gawing biro ang nararanasan ngayon ng maraming bansa sa nCoV hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa buong mundo.
Ayon kay Senadora Nancy Binay, ang pagdinig ay para hindi magturuan kundi magsama-sama para masolusyonan ang mga problema tulad ng pagkakaubusan ng face mask at alcohol sa merkado.
Aminado si Binay, bilang isang ina ay nag-aalala siya para sa kanyang mga anak sakaling lumaganap ang sakit.
Umaasa si Binay na magagawa ng pamahalaan ang lahat para masolusyonan ang namumuong krisis.
Nalulungkot si Senador Joel Villanueva dahil imbes bigas ang bilhin ng mahihirap sa probinsiya, mas inuuna ang pagbili ng face mask at alcohol dahil sa takot na mahawaan.
Bago ang pagdinig, hindi pinalusot ng OSSAA kahit ang mga senador at mga opisyal ng gobyerno sa thermal scanner sa main entrance at back entrance ng senado upang walang makalusot na carrier ng kinatatakutang nCoV.
Kaugnay nito nanawagan si Go sa “concerned government agencies” na ilatag ang kanilang plano hinggil sa paglaban sa kinatatakutang 2019 novel coronavirus na nagmula sa China.
Sa hearing ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go, dapat maayos na maiparating ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga impormasyon hinggil sa virus at gayondin ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno hinggil sa virus.
Ayon kay Go, mahalagang may kaalaman ang gobyerno sa mga hakbang hinggil sa virus para magkaroon ng katuturan ang paglaban sa kinatatakutang sakit.
Binigyang diin ni Go, sa panahon ng krisis, mas dapat maintindihan ng mga tao ang mga nangyayari at upang huwag mabiktima ng mga kumakalat na ‘fake news.’
Dagdag ni Go, hindi nakatutulong ang mga maling impormasyon kaya imbes magpakalat at bumatikos ay mas dapat na magtulungan ang lahat.
ni CYNTHIA MARTIN
PALASYO
‘DI MAGLILIHIM
SA KONDISYON
NG NCOV
WALANG inililihim ang pamahalaan sa situwasyon ng mga pasyenteng tinatamaan ng 2019 novel coronavirus sa Filipinas.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos kuwestiyonin noong Linggo na inianunsiyo ng Department of Health (DOH) na namatay ang isang 44-anyos lalaking Chinese dahil sa coronavirus gayong noong Sabado pa pumanaw.
Ayon sa Pangulo, hindi naman ikayayaman ng gobyerno kung ililihim ang pagkamatay ng Chinese national.
Sinabi ng Pangulo, naging transparent ang pamahalaan at katunayan ay agad inianunsiyo nang mamatay ang isang Chinese na lalaki na nagpositibo sa nCoV.
Humarap sa publiko ang Pangulo kamakalawa na may suot na personal air purifier bilang kuwintas at may air purifier na malapit sa kanya sa turnover ceremonies sa Philippine Navy at press briefing sa Palasyo.
(ROSE NOVENARIO)
Quarantine site
‘di pa kailangan
2 KASO NG NCOV
KOMPIRMADO
HINDI pa kailangan maglagay ng quarantine site sa bansa para sa mga tinamaan ng sakit na 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa ngayon ay dalawa pa lamang ang kompirmadong kaso na tinamaan ng coronavirus at batay sa pamantayan ng World Health Organization (WHO), apat na kaso ng coronavirus ang basehan para maglagay ng quarantine site.
Gayonman, sinabi ng Pangulo, inihahanda na ngayon ng pamahalaan ang mega drug rehabilitation center sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na gawing quarantine site.
Inatasan na ng Pangulo si Health Secretary Francisco Duque na maghanda ng ward o isang kuwarto o isang gusali sa mga ospital para gawing quarantine area.
Bukod sa Fort Magsaysay, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang Caballo Island sa Cavite na gawing quarantine site.
(ROSE NOVENARIO)