TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go na makauuwi sa bansa ang mga naninirahan o nagtatrabahong Filipino sa China sa gitna ng kinatatakutang novel coronavirus.
Gayonman, binigyang diin ni Go na kailangang sumailalim sa 14-day quarantine ang mga uuwing Pinoy.
Sinabi ni Go, ito ay para sa kanilang kaligtasan at ng mga taong kanilang makasasalamuha.
Nilinaw din ni Go, ipagbabawal ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga Filipino patungong Hong Kong at iba pang mga lugar sa China.
Binigyang diin ni Go, kung estrikto dati ang pamahalaan, mas hihigpitan nito ngayon ang pagtanggap ng mga biyaherong papasok sa Filipinas.
Kaugnay nito, tiniyak ni Go, mayroon nang magagamit ang Department of Health (DOH) para maisagawa ang mga confirmatory test sa mga suspected case ng novel coronavirus sa bansa.
Sinabi ni Go, base sa kanilang pag-uusap ni Health Secretary Francisco Duque, may ipinahiram na gamit ang Japan sa Filipinas para ma-check ang mga hinihinalang kaso ng coronavirus.
Aniya, kung dati ay inaabot nang isang linggo para malaman ang resulta ng laboratory test, ngayon ay ilang araw na lamang kaya mas mabilis ang pagtugon ng health authorities.
Mariing habilin ni Go sa publiko, sundin ang payo ng health officials para makaiwas na mahawa ng virus gaya na pagpapanatiling malinis ang paligid, malinis ang katawan at agad na magtungo sa mga ospital kung makaramdam ng ilang sintomas.
Kinalma rin ni Go ang publiko, at sa halip ay makiisa sa advisory ng health officials upang makatulong sa paglaban at pag-iwas ng pagkalat ng nCoV sa bansa.
(CYNTHIA MARTIN)