NAKALUBOG ang ulong patiwarik nang matagpuang ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng isang abandonadong palikuran kamakalawa ng hapon sa Port Area, Maynila.
Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, kinilala ang biktimang si Jamal Tagsayan ng Barangay 647, Zone 67, San Miguel, Maynila na positibong kinilala ng kanyang ina na ang nawawala niyang anak.
Nabatid sa pamilya ng biktima na si Tagsayan ang taxi driver na may apat na araw nang nawawala makaraang pumasada.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong 1:10 pm nitong 29 Enero sa loob ng isang CR sa Barangay 650, Zone 68, Port Area dahil sa masangsang na amoy.
Tinunton ng mga residente ang pinagmumulan ng mabahong amoy kaya’t nadiskubre ang bangkay.
Unang nakita ang nakalabas na mga paa ng biktima sa nasabing drum na nabubulok na at nakabalot ng plastic ang ulo.
Hindi pa matiyak kung may tama ng saksak o baril ang biktima.
Sinabi ng mga kaanak ng biktima na apat na araw nang nawawala at ang minamanehong taxi lamang nito ang natagpuan sa Cavite St., Sta, Cruz, Maynila na nabawi ng operator at itinawag sa misis ng biktima na nasa Surigao.
Nabatid na nasa dalawa o tatlong araw na umano ang nakalipas nang tawagan mismo ng biktima ang misis niya sa Surigao na humihingi ng tulong, ayon sa kaanak.
“Ma… (tawag ng biktima sa kaniyang misis), tulungan mo ako, nandito ako sa Pier…” hindi na muling tumawag ang biktima sa misis niya, kuwento ng mga kaanak.
Huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang ina noong Biyernes dahil kasama niya itong naninirahan sa San Agustin St., San Miguel, Maynila.
Inaalam ng pulisya kung hinoldap o may kinalaman sa ilegal na droga ang ginawang pagpaslang sa biktima.
(BRIAN BILASANO)