HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang senior citizen habang lima ang sugatan makaraang ararohin ng isang Innova sa EDSA , Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Agad binawian nang buhay ang biktimang si Antonio Abejuro Sr., 77, may asawa, residente sa Road 7 St., Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Sugatan sina Antonio Abejuro, Jr., 35, binata, anak ng namatay na biktima; Gerald Angeles, 27, call center agent, residente sa Lias Road, Marilao Bulacan; Eraquivic Celocia, 28, binata, waiter, residente sa Zytee Sarmiento St., Pasong Tamo, QC; Christian Paul Domalin, 27, waiter, residente sa Mapayapa St., Gulod, QC; at Kiervin Dela Cruz, 25, call center agent ng Blk.24 Lot 8, Ulingan St., East Lawang Bato, Valenzuela City,
Sa ulat kay P/Lt. Severino Busa, Sector Commander ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit Sector 6, ang aksidente ay naganap dakong 3:25 am, Enero 26, sa tapat ng SM North EDSA, Brgy. Sto. Kristo, QC.
Arestado ang driver ng Innova na si Ivan Matthew Navarro, 21, binata, estudyante, nakatira sa Saint John St., Remerville Subd., Project 8, QC.
Sa imbestigasyon nabatid na nag-aabang ng masasakyan ang mga biktima nang sumulpot ang humaharurot na Toyota Innova, may plakang ZAM 896 na minamaneho ni Navarro.
Nawalan ng kontrol sa manibela si Navarro hanggang masagi nito ang bumper ng isang Nissan Urban na may plakang AEA 2195 na minamaneho ni Jose Alfonso.
Pagkaraan, nagtuloy-tuloy ang Innova sa bangketa at inararo ang mga biktima na nag-aabang ng kanilang masasakyan sa gilid ng kalsada.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property si Navarro. (ALMAR DANGUILAN)