DAPAT gawing prayoridad ngayon ng Department of Health (DOH) at Barangay Health Workers ang health audit sa lahat ng bakwit lalo sa mga pasyenteng senior citizen na may malubhang karamdaman.
Ayon kay Senador Imee Marcos, kailangan agad mabigyan ng tulong medikal dahil delikado sa kalusugan ang manatili sa evacuation centers.
Sinabi ni Marcos, prayoridad ang mga buntis at mga bata na may sakit na natutulog sa mga karton sa evacuation centers.
“Talagang kinakailangang magkaroon ng health audit sa lahat ng mga bakwit, baka kasi bigla na lang tayong magulat na malaganap na ‘yung sakit sa hanay ng mga nagsilikas gaya nang nangyari sa Tacloban noon sa panahon ng Yolanda. Dapat may health check agad at masuri kung sino ang dapat isugod agad sa ospital, lalo ang mga ida-dialysis at isasailalim sa chemo,” pahayag ni Marcos.
Naglibot si Marcos sa ilang evacuation centers, kabilang sa Bauan Technical High school, Dreamzone Center, at Batangas Sports Complex, at inalam ang kanilang mga kalagayan para mabatid kung anong tulong ng gobyerno ang maibibigay sa kanila.
Kasabay nito, namahagi ng tulong si Marcos gaya ng 100 kahon ng bottled water, 200 pirasong kutson, mga kumot at higit 2,000 bags ng relief goods na may tig- 3 kilo ng bigas, paracetamol, anti-allergy at masks.
Kasama rin sa ipinamahagi ni Marcos ay sardinas, noodles, kape, biscuits, corned beef, laundry soap, bath soap at iba pang tulong para sa mga biktima.
(CYNTHIA MARTIN)