BUBULABUGIN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang 10,000 barangay officials sa Maynila upang makiisa sa patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan sa paglilinis at pagsasaayos ng Lungsod.
“Balewala ang paglilingkod nang tapat at sigasig ng gobyerno kapag ang tao, ‘di nag-participate… importante na tulungan ninyo ang city government hindi para sa atin kundi para sa mga susunod na henerasyon. ‘Di man natin maramdaman agad ang epekto, hayaan nating tamasahin ng ating mga anak,” pahayag ni Moreno sa pagkakaloob ng financial assistance sa barangay officials mula sa Office of the President.
Ayon kay Mayor Isko, walang masama kung magpakumbaba at kausapin ang mga tolongges, ‘mema,’ walang pakialam, at makukulit na nagkakalat sa paligid.
Maaaring makisuyo sa mga pasaway na residente na ilagay sa tamang sisidlan ang kanilang kalat o basura at kukunin ng pamahalaan.
Sinabi ni Isko, masuwerte ang mga opisyal ng barangay dahil nagkaroon sila ng oportunidad na makapagsilbi patikular sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
“Many are called but few are chosen. Let us institute the changes not for us but for the next generation, particularly our loved ones, so they will have a better Manila. In the meantime, we have a mandate, a chance to change our beloved city,” idinagdag ni Moreno.
Karagdagang panawagan ni Moreno sa mga opisyal ng barangay na nawa’y magsimula sa simpleng bagay.
“Magsimula tayo sa simple. Gawing malinis, maaliwalas at panatag ang Maynila. Tatamaan tayo ng konting sakripisyo, may babaguhin sa dating ginagawa. Hindi porke ang isang gawain ay nakagisnan na, e tama na. Walang masamang sumubok ng kakaibang bagay,” ayon kay Moreno.
Mas makabubuti na maging ehemplo sa kanilang mga komunidad ang mismong mga barangay chairman. (BRIAN BILASANO)