LUBOS ang pagbibigay-pugay ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang Bise-Alkalde na si Honey Lacuna-Pangan at sa lahat ng tumulong sa kanya sa konseho at sa pamahalaang lungsod na naging daan sa tagumpay at patuloy na pagtugon sa mga pangangailangan ng Manileño, sa unang anim na buwan ng panunungkulan bilang punong ehekutibo at ama ng lungsod.
Ayon kay Mayor Isko, malaking tulong ang pagiging timon ni Lacuna sa Konseho ng Maynila, gayondin ang pakikipagtulungan nina majority leader Joel Chua at 3rd district councilor Letlet Zarcal, na nagbigay daan kaya’t naipasa ang 30 ordinansa at 167 resolusyon na ang layunin ay para sa kapakanan ng Manileño at mapabuti ang kalagayan ng Maynila.
Sinabi ni Mayor Isko na malaking tulong ang konseho sa implementasyon ng kanyang hangarin na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga maralita sa lungsod sa pamamagitan ng social amelioration programs ng lungsod.
Sinabi ni VM Lacuna na mananatili ang kanyang suporta kay Mayor Isko dahil mabuting intensiyon ang kapwa nila hangad sa lungsod at sa Manileño.
Matatandaan, sa nakalipas na anim na buwan ay napagtagumpayan at nailatag ang iba’t ibang programa na nagbenepisyo sa senior citizens, persons with disability (PWD), mag-aaral at mga maralita sa komunidad na prayoridad sa programa ni Isko.
Kapansin-pansin rin ng malaking pagbabago sa lungsod patungkol sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan dahil sa walang-kapagurang inspeksiyon at pag-iikot mismo ni Moreno sa bawat sulok ng lungsod.
Maayos na naisakatuparan ni Mayor Isko ang proyektong naglalayong maibalik sa kinang ang ilang makasaysayang lugar sa lungsod at maiayos ang dating kalagayan ng national heritage sites sa lungsod na madalas binabanggit ng alaklde, dahil sa tulong nina city engineer Armand Andres at department of public services chief Kenneth Amurao.
Bunsod nito, malaki ang pag-asa ni Isko na magkakaroon ng panibagong budget ang lungsod ngayong taon para mailaan sa mas marami pang proyekto tungo sa ikabubuti ng siyudad.
Nabatid, ang bawat departamento, tanggapan at kawanihan ay inatasan ni Mayor Isko na magsumite ng estado ng kanilang ng mga gawain upang mapanatili ang transparency sa ilalim ng kanyang liderato.
Nais ni Isko na mas mapabuti ng kanyang pamunuan ang pagserbisyo para sa tunay na kapakinabangan at kapakanan ng kapwa Manileño.
ni BRIAN BILASANO