UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasamahan sa Senado at sa Kongreso na ipasa na ang kanyang panukalang batas na pagkakaroon ng Department of Overseas Filipino Workers.
Ito ay sa gitna ng lumalalang tensiyon sa Iraq at ilang bahagi ng Middle East dahil sa gera ng Iran at America.
Nanawagan si Go sa mga mambabatas na huwag nang hintayin na magkaroon ng mas malalang krisis gaya ng nangyayari sa Iraq at mayroong mga mamatay na tulad ni Jeanelyn Villavende na minaltrato sa Kuwait.
Ayon kay Go, mas mabuting mayroong iisang nakatutok sa kapakanan ng mga OFW na iisang ”in command” hindi tulad ngayon na may DOLE secretary, DFA secretary habang ipinadala pa sa Middle East si DENR Secretary Roy Cimatu dahil sa karanasan nito sa crisis management.
Sinabi ni Go, mas magandang iisang tao o Kalihim na lang ang kakausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kahalitulad na sitwasyon sa Iraq at Kuwait.
Hanggang ngayon ay wala pang schedule ang plano ni Pangulong Duterte na magpatawag ng special session sa Kongreso para sa hihilinging pondo na gagamitin sa repatriation ng mga OFW.
(CYNTHIA MARTIN)