SA KABILA na bantay-sarado ang parking area ng SM Centerpoint, Sta. Mesa, Maynila nagawa itong lusutan ng ‘bukas-kotse’ gang makaraang kanain ang sasakyan ng isang babaeng kongresista at tangayan ng gadgets at cash na nagkakahalaga ng P240,00 nitong Lunes ng hapon, 6 Enero.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, mula kay P/Maj. Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang biktima ay kinilalang si ACT-CIS Party-list Rep. Rowena Niña Orbon Taduran, 48, dalaga, residente sa Dayton 3, Unit 5-E California Garden Square, Domingo Guevarra St., Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City.
Ayon kay Taduran, dakong 4:50 pm nitong 6 Enero, nagtungo siya sa SM Centerpoint Sta. Mesa na matatagpuan sa Aurora Blvd. corner G. Araneta Avenue Quezon City, kasama ang ilang mga kaibigan matapos manggaling sa Malacañang para sa signing ng 2020 national budget.
Ipinarada niya ang kaniyang kotseng Toyota Fortuner na kulay Lithium, may plakang PLI-121 sa Southwing Lane 3 Car Park ng SM City Sta. Mesa at kumain muna sila sa loob ng mall ngunit pagbalik sa parking area ay nadiskubreng basag na ang salamin ng likurang passenger seat ng sasakyan.
Aabot sa P240,000 halaga ng gadgets at personal na gamit ang nakuha sa sasakyan, kabilang ang congress-issued laptop, latest model ng smartphone, alahas, P8,000 cash at 500 US dollars.
Desmayado ang mambabatas nang madiskubreng walang CCTV ang parking area ng mall.
Sinabi ni Taduran, madali sanang makilala at maaresto ang mga kawatan kung nakuan ng CCTV ang pagbasag sa salamin ng kanyang sasakyan.
Tiniyak ni ACT-CIS, na maghahain sila ng panukalang batas sa Kongreso upang mapanagot ang naturang mall sa nangyaring insidente.
“Kung sa isang halal na opisyal ng pamahalaan ay nangyari ito, anong katiyakan ni ‘Juan Dela Cruz’ na siya ay ligtas sa mga krimeng gaya nito?” ani Rep. Eric Yap na 1st nominee ng ACT-CIS habang 3rd nominee naman si Taduran.
Malaking tulong aniya ang CCTV upang matugis ang mga suspek na hinihinalang miyembro ng ‘basag-kotse gang.’
Samantala, ayon kay JM Wong, manager ng mall, isang joint investigation ang ikinasa ng mall at ng PNP ukol sa pangyayari para makilala ang suspek. (ALMAR DANGUILAN)