PATAY noon din sa pinangyarihan ang holdaper na riding-in-tandem habang nakatakas ang kanyang kasama sa naganap na shootout matapos holdapin ang isang bank teller sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, inilarawan ang napatay na holdaper na may taas na 5’1, slim build, fair complexion, may tattoo na RAD somo, VICTOR, Ely Roy, at Sputnik sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nakasuot ng itim na T-shirt, grey pants, red slippers, itim na mask at arm sleeves.
Sa imbestigasyon, ang shootout ay naganap dakong 12:45 am, 7 Enero, sa Phase 2 Lupang Pangako, Brgy. Payatas B, Quezon City.
Bago ang insidente, hinoldap ng suspek at kanyang angkas sa motorsiklo ang biktimang si Rachelle Plaza Pardillo, 21, bank teller sa Banco De Oro (BDO) at residente sa Phase 3, Blk. 7, Lot 836, Lupang Pangako, Brgy. Payatas, QC.
Nagkataong nagpapatrolya ang mga tauhan QCPD Batasan Police Station 6 kaya mabilis na nagresponde, hinabol ang mga papatakas na suspek at nagkaroon ng “running gun battle” na nagresulta sa pagkamatay ng isa habang nakatakas ang kanyang kasama.
Nabawi ng pulisya ang mga personal na gamit ng bank teller, kabilang ang mga ATM card nito, P4,697 cash at iba pang kagamitan.
Nasamsam ng SOCO team sa crime scene ang isang Yamaha Mio na walang plaka, caliber .38 revolver, mga bala ng kalibre .45 at 9mm baril.
Pinuri ni Gen. Montejo ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt. Col. Romulus Gadaoni, hepe ng QCPD Station 6 sa mabilis na pagresponde sa nangyaring holdapan.
Nagpahayag din ng kalungkutan si Gen. Montejo dahil imbes sumuko ang suspek sa mga awtoridad ay lumaban pa.
“Ikinalulungkot po natin na imbes sumuko ay humantong sa pakikipagbarilan sa mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga suspek. Nawa’y magsilbing babala ito sa mga gumagawa ng ilegal o masasama at sana ay baguhin na rin nila ang kanilang buhay ngayong Bagong Taon,” giit ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)