HINDI man lubos na naipatutupad, ikinatuwa na rin ni Senator Sonny Angara ang pagbuo ng Korte Suprema ng 50 judges-at-large posts.
Si Angara ang pangunahing may-akda ng Republic Act 11459 o ang Judges-at-Large Act na layon magkaroon ng mabilis na hatol sa mga nakabinbing kaso para sa paggawad ng hustisya.
Pagdidiin ni Angara dahil sa backlog ng mga kaso sa korte, apektado ang mga biktima ng krimen maging ang mga nakakulong na akusado na kinalaunan ay mapapatunayang inosente.
Paliwanag niya, nakasaad sa batas ang pagbuo ng 100 Judges-at-Large posts sa regional trial courts at 50 sa municipal trial courts.
Aniya, ang mga Judges-at-Large ay walang permanenteng sala at sila ay maaaring maitalaga bilang acting o assisting judges saan man korte sa bansa.
Ngunit sila ay tatanggap ng mga benepisyo, suweldo at pribilehiyo gaya sa regular court judges.
Nauna nang inianunsiyo ng Korte Suprema ang pagbuo ng 50 Judges-at-Large posts, 30 para sa RTCs at 20 para sa MTCs para sa partial implementation ng RA 11459. (C. MARTIN)