SA nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran, hinikayat ni Senador Aquilino Pimentel III ang Department of Energy na bantayan ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay Pimentel, dapat din tutukan ang mga bansa na pinagkukuhaan ng supply ng langis ng Filipinas sa katuwiran na patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo ay maaaring maapektohan ang ating ekonomiya.
Ani Pimentel, bilang chairman ng Senate Committee on Foreign Relations dapat ngayon pa lang ay naghahanap na ang DOE ng ibang maaaring mapag-angkatan ng langis dahil sa kaganapan sa Gitnang Silangan.
Binigyang diin ng Senador, mas makabubuting advance mag-isip para maayos na makapaghanda.
Aniya, maaaring mag-import ng langis ang Filipinas sa Russia at sa ganitong paraan ay mapagtitibay pa ang relasyon ng dalawang bansa.
Nagsimulang umangat ang presyo ng langis nang mapatay sa US drone attack sa Baghdad International Airport si Iranian General Qasem Soleimani. (C. MARTIN)