HINDI lamang dapat ituon ng gobyerno ang contingency plan para mailikas ang overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Iran at Iraq kung patuloy na lumala ang tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ito ang sinabi ngayon ni Senadora Imee Marcos sa harap ng banta ng Iran na gagantihan ang Amerika at mga kaalyado nitong bansa sa Middle East bunsod ng pagkakapatay sa top military leader na si Qasem Soleimani sa isinagawang US air strike noong Biyernes sa Baghdad, Iraq.
“Hindi tayo dapat nakatali lang sa kung anong magiging kalagayan ng ating mga kababayan sa Iran at Iraq lamang. Sa anumang gagawing hakbang ng ating pamahalaan, hindi ito dapat nakasentro lang sa Iran at Iraq. Mas dapat natin bigyang pansin ang magiging kaligtasan ng milyon nating kababayang OFWs sa buong Middle East,” ayon kay Marcos.
Mahigit kalahati ng bilang ng mga OFW sa buong mundo ay nakabase sa Middle East, at mayorya nito ay nasa Saudi Arabia na may 500,000; habang nasa 300,000 ang nasa United Arab Emirates at tig-100,000 sa Kuwait at Qatar, base na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2018.
Nasa 30,000 Pinoy workers ang nasa Israel habang tig-10,000 ang nasa Iraq at Iran.
“Nakaamba ngayon ang mga retaliatory attacks sa mga lugar kung saan naroroon at malakas ang puwersa ng Estados Unidos, at ang masaklap nito, naroroon din sa mga bansang iyon ang libo-libo nating OFWs,” pahayag ni Marcos.
Ayon sa datos ng International Crisis Group at ng Federation of American Scientists, tinatayang nasa tig-13,000 US troops ang nasa Kuwait at Qatar habang 6,000 sa Iraq, 5,000 sa UAE at 3,000 sa Saudi Arabia.
“Bigyan din natin ng pansin ang Filipino seafarers na nagtatrabaho sa oil tankers, hindi lang ang mga land-based OFWs, dahil ang tensiyon na nangyayari sa Middle East ay may kaugnayan din sa economic sanctions na ipinataw ng US laban sa Iran,” dagdag ni Marcos. (C. MARTIN)