BAGSAK ang tatlong gulong ng isang sports utility vehicle (SUV) dahil sa tama ng bala lulan ang dalawang nadakip na hinihinlang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) na nakompiskahan ng sangkap na pampasabog, sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office – Regional Special Operation Unit (NCRPO-RSOU) sa lungsod ng Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), kinilala ang mga suspek na sina Remedios Villojan Habin, 52 anyos, at Alvin Gadin, 32, driver, residente sa Block 4, Lot 1 A Duhat St., Daimar Homes Manuel IV, Pamplona, Las Piñas City.
Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat ng Manila Police District – General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), naganap ang operasyon ng NCRPO-RSOU dakong 3:15 pm sa kahabaan ng United Nations Ave., malapit sa panulukan ng M. Gandhi St., sa Paco, Maynila.
Nakatanggap ng tawag ang MPD dakong 3:30 pm tungkol sa putukan sa nasabing lugar at nang puntahan ay inabutan sa crime scene ang isang abandonadong light brown na Toyota Fortuner, may plakang MZO 697, flat ang mga gulong na sinasabing pinagbabaril ng mga operatiba ng RSOU upang hindi na makatakas ang suspek na subject ng operasyon.
Kaagad nagresponde ang Explosive Ordnance Division (EOD) ng MPD dahil sa nakitang mga pampasabog sa loob ng sasakyan.
Mula sa pinangyarihan ay dinala sa open ground ng Luneta Park ang sasakyan upang subukang i-detonate ngunit hindi nagawa dahil nagkataong may aktibidad nang oras na iyon para sa inspeksiyon at preparasyon sa Traslacion ng Itim na Nazareno, kaya ibinalik sa UN Ave., ang sasakyan.
Ilang oras makalipas ang operasyon, dinala ng mga operatiba ang dalawang naarestong suspek sa RSOU office, at ibinalik sa MPD para sa pagsasampa ng kasong illegal possession of explosives.
Sa pahayag ni MPD Spokesperson P/Lt. Col. Carlo Manuel Magno, itinanggi niyang hindi banta sa nalalapit na Traslacion 2020 ang insidente.
Nabatid, ang cellphone number ng naarestong driver na nakompiska ay konektado umano sa mga suspek sa Marawi Seige.
(BRIAN BILASANO)