“SINUSUBOK ng Grab ang pasensiya ng kanilang mga pasahero.”
Ito ang galit na pahayag ni Senador Imee Marcos matapos ulanin ng reklamo ang Grab dahil sa lampas-dobleng singil sa pasahe gayong nakipagkasundo sa gobyerno na lilimitahan ang fare hike ngayong Disyembre sa 22.5 porsiyento lamang.
“Monopolisado ng Grab ang ride-hailing service kaya nila nagagawa ito. Dapat maging mapagbantay tayong lahat lalo na ang mga nasa gobyerno at huwag palusutin nang basta na lang ang mga pang-aabusong ito,” pahayag ni Marcos.
Isang buwan pa lang ang nakalipas nang iutos ng Philippine Competition Commission na ibalik ng Grab sa kanilang mga customer ang P23.5 milyon na sobrang singil nito sa pasahe.
Sa ipinakitang screenshot ni Marcos, ang biyaheng isang kilometro lamang na dati ay sinisingil ng wala pang P100 ay P245 na ngayon via GrabCar o P231 hanggang sa P346 via GrabTaxi.
Kaugnay nito, isinusulong ni Marcos ang Senate Bill 409 na payagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Angkas na gawing lehitimo at alternatibong sasakyan ng publiko sa gitna ng matinding sikip ng trapiko, at makapagbibigay din ng dagdag trabaho.
“Sana umangkas na ang LTFRB sa diwa ng Pasko at regalohan ng siguradong trabaho ang mga Angkas driver,” ani Marcos.
Paliwanag ni Marcos, sa 15,000 Angkas drivers, 4,000 o higit pa sa 25 porysiento ang hindi nakatapos sa kolehiyo o kaya’y dating walang trabaho.
“Ang pinakamatrapik na mga lugar sa ating bansa partikular sa Metro Manila, Cebu at Davao ay nananawagan din magkaroon ng maginhawa at mabilis na uri ng transportasyon na tulad ng motorsiklo,” dagdag ni Marcos.
(CYNTHIA MARTIN)