AABOT sa halagang P.2 milyong ari-arian ang natupok matapos sumiklab ang sunog sa National Children’s Hospital sa E. Rodriguez Avenue, Brgy.Damayang Lagi, Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Arson Investigator, Inspector Sherwin Piñafiel ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) dakong 10:28 am nang tupukin ng apoy ang bahagi ng ikapitong palapag na warehouse ng ospital na tinatambakan ng mga nagamit na medical equipment.
Ayon kay Piñafiel, gumagamit ng acetylene ang isa sa mga trabahador ng ospital para i-disposed ang mga lumang kagamitang pangmedikal nang matalsikan ang foam ng higaan at magliyab ito dahilan para makasunog.
Tumagal ang sunog ng 25 minuto at ganap na naapula dakong 10:53 am na umabot sa ikatlong alarma.
Agad inilikas ang mga pasyente sa ilang palapag ng ospital upang hindi maapektohan ng sunog.
Tinitingnan ng arson investigator kung may negligence sa management ng ospital sa naganap na insidente.
Walang iniulat na nasugatan o namatay sa insidente. (ALMAR DANGUILAN)