UMARANGKADA na naman ang fake news laban sa organizer ng 30th Southeast Asian Games na ginaganap ngayon sa bansa.
Dahil sa pagpatol sa ‘fake news’ maging ang ilang kilalang personalidad ay nalalantad sa publiko.
Ayon kay Sen. Ping Lacson, ang paglalagak ng public funds sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na isang private foundation ay maihahambing daw sa pork barrel scam ni Janet Napoles.
Hindi natin maintindihan kung bakit naikokompara ni Lacson ang paggamit ng pondo sa SEA Games sa raket ni Napoles gayong malinaw at kitang-kita nating lahat ng mga proyekto ay naipatupad ng PHISGOC para maging matagumpay ang pagho-host natin ng SEA Games ngayong taon?
Sen. Ping, mukhang nakalimutan ninyo, ‘yung pork barrel racket ni Napoles na ayon sa inyo ay ginamitan ng mga private foundation ay pawang ghost projects. Kaya nga nasampahan ng kaso at nakulong ang ilang kapwa ninyo Senador ay dahil nabukelya na wala namang kinahantungan ang mga pondong napunta sa kamay ni Napoles at kanyang mga kasabwat.
Pero dito sa PHISGOC, malinaw na nakapagpatupad sila ng mga proyekto na mapapakinabangan ng ating mga atleta at lahat ng lalahok sa SEA Games. Maayos ang sports facilities at ang mga gamit ng mga atleta at mismong mga international organizations ang nagsasabing world-class at naaayon sa Olympic standards, ang mga pasilidad na inihanda para sa SEA Games.
Bukod riyan, hindi na bagong ideya na ang PHISGOC ang namamahala sa SEA Games. Ganyan din ang ginawa noong 2005 nang huling nag-host ang Filipinas ng palarong ito. Ganyan din ang ginawa ng Singapore noong 2015 at ng Malaysia noong 2017. Kahit na private foundation na maituturing ang PHISGOC, 80 percent ng mga miyembro nito ay government officials. May sapat na representasyon ang Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee sa PHISGCOC.
‘Yung sinasabi ni Lacson na P1.5 bilyong nailagak daw sa PHISGOC ay naipakita ng chairman na si Speaker Alan Peter Cayetano sa mga senador ang breakdown ng pinaggamitan nito.
Mismong si Lacson ang nagsabi na si Cayetano ay kumunsulta sa Commission on Audit (COA) sa bawat hakbang ng PHISGOC sa paggamit ng pondo para sa SEA Games.
Dapat rin maalala ni Lacson na ang 2019 national budget ay noong Abril lang napirmahan ng Pangulong Duterte dahil na rin sa hindi pagkakasundo ng Senado at Kamara sa ilang mga probisyon sa budget.
Buwan na ng Mayo na nakapagpalabas ng pondo para sa gastusin ng pamahalaan ngayong taon, kasama na riyan ang budget para sa SEA Games.
Samakatuwid, kulang pa sa anim na buwan ang naging paghahanda para sa mga pasilidad at iba pang requirements sa SEA Games na kinailangan gastusan dahil sa pagkaantala ng pagpasa ng 2019 budget.
Paano kikilos ang PSC o ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) para mabili o mabayaran lahat ng gastusin para sa SEA Games sa ganito kaikling panahon?
Kaya kahit si Cayetano na mismo ang nagrekomenda sa Pangulong Duterte na DBM ang humawak ng pondo para sa SEA Games, ang PHISGOC na rin ang kumilos para mapabilis ang paghahanda sa SEA Games at matiyak na matutuloy ito.
Wala naman dapat ikabahala si Lacson dahil handa namang magpaimbestiga at magpa-audit ang PHISGOC tulad na rin ng sinabi ni Cayetano para malaman kung saan ba napunta ang pondo para sa SEA Games.
Bukas din ang PHISGOC sa suggestion ni Cong. Joey Salceda na ang Senado ang mag-iimbestiga para matiyak na walang kinikilingan ang imbestigasyon at walang mangyayaring whitewash.
Dahil puwede namang mag-imbestiga at tiniyak ng PHISGOC na magko-cooperate sila, mas magandang huwag magpakalat ng fake news at magpokus tayo sa pagsuporta sa ating mga atleta at sa matagumpay na pagho-host ng SEA Games.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap