NASA hot water ngayon ang hepe ng Tourist Police Unit (TPU) makaraang ireklamo ng kanyang mga tauhan sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (GAIS) dahil sa umano’y pagtatalaga ng tara ng P150-P300 kada araw sa MPD Headquarters sa United Nation Ave., Ermita, Maynila.
Sa ulat ng MPD-GAIS, dakong 9:00 am kamakalawa, si P/Cpl. Jonathan Yasay, nakatalaga sa TPU ay nagtungo sa kanilang tanggapan para ireklamo ang kanilang hepe na si PLt. Noel Jesus Carlos.
Sa reklamo ni Yasay, naganap umano ang pagmumura sa kanya at paghahamon ng barilan ni Carlos sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa Senior Citizen Garden sa Luneta Park, Ermita dalong 8:30 am.
Nag-ugat ang galit ng hepe dahil sa umano’y di pagbibigay ng tara ni Yasay.
Alas 12:30 ng tanghali noong araw na iyon nang magtungo sa MPD-GAIS ang iba pang pulis na sina P/SSgt. Abel Pureza, P/Cpl. Jay Aquino, P/SSgt. Dino Cabatbat para ireklamo ang kanilang hepe.
Ayon sa isang insider ng MPD-GAIS, matagal na umanong ginagawa ni Carlos sa kanyang mga tauhan at kapag hindi nakapagbigay ay magagalit kaya napipilitan ang ibang pulis na sumunod kahit ang ibinibigay ay galing umano mismo sa kanilang bulsa.
Nakatakdang sampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ang kanilang hepe.
Nabatid sa isang reliable source sa MPD, walang kinalaman si MPD Director P/BGen. Joel Balba sa mistulang nagbabalik na ‘tara system’ sa mga late o absent tuwing formation at checking of attendance sa pulis-Maynila.
Isang greivance committee ang binuo ng MPD para aksiyonan ang naganap na reklamo.
Nabatid, isa sa mga mahigpit na ipinagbawal ni dating MPD director P/Gen. Vicente Danao ang ‘tara system’ at maging ang ‘lubog,’ bagay na tinututukan at sinusugpo rin ngayon ni P/Gen. Balba.
(BRIAN BILASANO)