Friday , November 15 2024

Ang Pagbabaliktanaw sa Unang Hari ng Balagtasan

KUMUSTA?

Sa Biyernes, 22 Nobyembre, ika-125 kaarawan ni Jose Corazon de Jesus.

Ipinagdiwang ito ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Puerto Princesa, Palawan.

Sa balikatan ng CCP Office of the President at Provincial Government of Palawan, ito ay idinaos noong 12-13 Nobyembre sa VJR Hall sa loob ng Capitol Compound.

Pinamagatang Ang Pagbabaliktanaw sa Unang Hari ng Balagtasan, ito ay unang idinaos sa CCP Tanghalang Huseng Batute noong 22 Mayo 2018, bilang paggunita sa kaniyang ika-86 anibersaryo ng pagyao na pumanaw noong 26 Mayo 1932 sa gulang na 38.

Isa ako sa guro ng palatuntunang nagtam­pok sa tenor na si Nazer Salcedo at The Philippine Opera Company at sa ventriloquist na si Ony Carcamo.

Unang nakipagtagisan sina Beware at Negatibo sa mambabalagtas mulang Barasoain Kalinangan Ensemble.

Bumida sina John Arcilla, Ronnie Lazaro, at Lou Veloso.

Hanggang, sa huli, ang humalili ay sina Bong Cabrera, Vince Conrad, Liway Gabo, Micah Musa, Wenah Nagales, Rein Pineda,  Peregrine Santiago, Krystle Valentino, Elle Velasco, Zandro Zulueta, at iba pa.

Tinalakay ni Benilda Santos ang kabuluhan at kahulugan ni de Jesus sa atin.

Ginamit ito muli nina Ian Lomongo at Dennis Marasigan bilang direktor ng nasabing pala­tuntunang unang idinerehe ni Jon Lazam — mula sa iskrip ni Kimberly Anne Nicole Lim ng CCP Intertextual Division — sa tulong ni Betty Uy-Regala.

Naka-apat na palabas pa ito sa CCP.

Una, noong 21, 22, at 23 Setyembre 2018 bilang “paglimot” sa Batas Militar ng 1972.

Ikalawa, noong 28 Pebrero 2019 bilang “paggunita” sa Rebolusyong EDSA ng 1986.

Muling pagsilang kasi ito ng Bayan Ko na komposisyon ni Constancio de Guzman – na orihinal na isinulat para sa sarsuwelang Walang Sugat ni Severino Reyes.

Si Hen. Jose Alejandrino ang diumano’y sumulat sa Espanyol na kung tawagin ay Nuestra Patria.  Ang salin ni de Jesus – na nagsilbing inspirasyon mula pa noong Dekada  ‘40 hanggang ngayon – ang itinuturing na “ikalawang Pambansang Awit.”

Napatunayan namin ito nang ipinalabas Ang Pagbabaliktanaw sa Unang Hari ng Balagtasan sa Manuela Q. Pastor Auditorium ng St. Bridget College sa Batangas City noong 14 Agosto 2019 at sa  Tanghalang Nicanor Abelardo sa Gusali ng Hiyas ng Bulacan sa Malolos noong 11 September 2019.

Bagamat si Huseng Batute ay isinilang noong 22 Nobyembre 1894 sa  Sta. Cruz, Maynila —  siya ay Manilenyong Bulakenyong lumaki sa Sta. Maria, Bulacan — ang bayan ng kaniyang amang si Dr. Vicente de Jesus na siyang unang kalihim ng Kalusugan ng Pamahalaang Komonwelt ni Pres. Manuel Quezon. Biniyayaan sila ni Susana Pangilinan ng limang supling: Vicente Jr., Mariano, Catalino, Ella, at Rosario na siya namang nag­paaral kay G. Lizaso na ang nanay ay pinsang-buo ni de Jesus.

Isa ito sa dahilan kung bakit niya inumpisahan ang programang naging proyektong umabot na nga sa Palawan.

“Sa paglingon sa kahapon, natutunton na rin natin ang pinagmulan ng Original Pilipino Music (OPM), love songs, at rap battle sa tulong ng the kundiman and the Balagtasan. Maituturing din ang palabas na isang sarsuwelang umuungkat sa usapa’t usaping personal at politikal,” sabi ni G. Lizaso.

Dahil dito, dumami pa lalo ang tagahanga ni de Jesus.

Lalo na nang malaman ng mga Gen X, Y, at Z na siya ay pumasok sa Liceo de Manila, kumuha ng abogasiya sa Escuela de Derecho, at nag-aral din siya ng humanidades, opera‘t piyano sa Unibersidad ng Pilipinas.

Hindi siya naging abogado dahil abalang-abala siya, halimbawa, na nagpakadalubhasa kay Enrico Renieri, isang Italyanong direktor ng Opera Italyana.

Bukod dito, nakipagkolaborasyon siya sa mga kompositor na sina Nicanor Abelardo, Francisco Santiago, Leon Ignacio, Jose G. Santos, at iba pa.

Ibinuhos niya ang lahat sa pagsulat.

Bilang isang makatang romantiko, siya si Jose Corazon de Jesus samantala bilang isang makatang patriyotiko, siya si Huseng Batute.

Unang ginamit ang sagisag-panulat na ito nang simulan niya ang patula niyang kolum na Buhay Maynila sa pahayagang Taliba.

Higit sa 4,000 kolum ang naisulat niya sa loob ng 10 taon.

Nakapaglathala siya ng anim na aklat: Mga Dahong Ginto, Gloria, Mga Itinapon ng Kapalaran, Sa Dakong Silangan, Ilaw sa Kapitbahay, at Maruming Basahan. Ilan sa kaniyang sikat na tula ang mga sumusunod: Ang Manok Kong Bulik (1919), Ang Pagbabalik (1924), Ang Pamana (1925), Pag- ibig (1926), Manggagawa (1929), at Isang Punongkahoy (1932).

May tulang pasalaysay din siya — Sa Dakong Silangan (1928) — na isa sa anti-Amerikanong alegoriyang naghawan ng lan­das.

Subalit si Huseng Batute ay hindi lamang binabasa.

Pinakikinggan at pinapanood din siya.

Isa na siyang dinarayong mambibigkas.

Kahit bago pa mag-1924.

Noong  28 Marso ng taong iyon, sa pulong ng Kapulungang Balagtas, saka pa lamang maiimbento ni Jose Sevilla ang “Balagtasan.”

Doon sa Instituto de Mujeres, maglalaban si Jose Corazon de Jesus bilang Paruparo at si Florentino T. Collantes bilang Bubuyog. Si  Lope K. Santos ang Lakandiwa noong 6 Abril 1924.

Noon at doon, si Huseng Batute ay naging Unang Hari ng Balagtasan!

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *