ARESTADO ang apat na tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang entrapment operation ng Integrity Management and Enforcement Group (IMEG) katuwang ang Regional Intelligence Division (RID) NCRPO at MPD DID makaraang manghingi ng malaking halaga sa kaanak ng naarestong drug suspect, nitong Miyerkoles ng gabi sa loob ng isang presinto sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Kinilala ang mga nadakip na pulis na sina P/Cpl. Nickson Mina, P/Cpl. Juan Carlo de Guzman, P/Cpl. Fransis Mikko Gagarin, at Pat. Tom Hikilan, pawang line beat patroller na nakatalaga sa Baseco Police Community Precinct (PCP) MPD Station 5 makaraang tumanggap ng P200,000 marked money mula sa complainant.
Nag-ugat ang entrapment operation nang dumulog sa himpilan ng IMEG ang isang alyas Alaysa na inireklamo ang mga pulis-Baseco na nanghihingi umano ng kalahating milyon kapalit ng kalayaan ng asawang si alyas Kevin na nadakip noong 12 Nobyembre sa kasong droga o paglabag sa kasong RA 9165 at kabilang sa listahan ng high value target sa area.
Ilang oras umanong tumagal ang transaksiyon hanggang ang hinihinging P500,000 ay bumaba sa P200,000 na kapwa napagkasunduan ng mga nadakip na pulis at kaanak ng naarestong drug suspect.
Kasunod nito, ikinasa ng IMEG ang entrapment sa loob mismo ng presinto ng Baseco PCP dakong 6:30 pm, nitong Miyerkoles ng gabi.
Nang tanggapin ng mga naarestong pulis ang marked money, pinasok na mismo sa loob ng himpilan at doon pinosasan.
Nabawi sa apat na nadakip na pulis ang marked money, PNP IDs at kinompiska rin ang kanilang PNP issued short firearms .9mm kalibre baril.
Nahaharap sa kasong robbery extortion ang mga suspek na kasalukuyang nakadetine sa PNP-IMEG sa Camo Crame.
Kaugnay nito, nagsagawa ng revamp sa hanay ng MPD PS5 partikular sa nasbaing PCP.
Matatandaan, halos isang taon na rin nang huling pumasok o sumalakay ang PNP-IMEG dahil naging estriktong programa ni dating MPD director, General Vicente Danao Jr., ang internal cleansing sa hanay ng mga pulis-Maynila noong nanunungkulan sa MPD.
Nailipat si Danao bilang Regional Director ng Provincial Police Office 4-A at pinalitan ni MPD Director P/BGen. Joel Balba nitong Oktubre.
Umaasa ang mga Manileño na ipagpapatuloy ni Balba ang ‘kamay na bakal’ laban sa mga tiwaling pulis sa lungsod.
(BRIAN BILASANO)