MALUBHANG nasugatan ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) makaraang saksakin ng basag na bote habang umaawat sa away ng kanyang mga kapitbahay sa Project 4, Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director, P/Col. Ronnie S Montejo mula kay P/Lt. Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang biktima ay si John Crisanto Bejo, 21 anyos, binata, SK Kagawad, ng Brgy. Escopa 2 at residente sa Blk 29, Lot 5, Brgy. Escopa 2, Project 4, QC.
Agad namang nadakip ang suspek na kinilalang si Errol Castor Lim, 51, mananahi, may asawa ng Blk 21, Lot 7, Brgy. Escopa, Proj. 4 ng nasabi ring lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Juvy Fallesgon, ang insidente ay naganap dakong 2:15 am kahapon, sa Top Side Road ng naabing barangay.
Ayon sa mga nakasaksi, bilang kagawad ng SK ay inawat ng biktima ang suspek at dalawang lalaki na nagkakagirian.
Ngunit imbes paawat ang suspek, ang kagawad ang pinagtuunan nito ng galit at sinaksak ng bote sa likuran.
Nang duguang bumagsak ang biktima, agad isinugod ng kanyang mga kapitbahay sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) at hanggang ngayon ay inoobserbahan pa dahil sa avulsed wound postero- lateral chest, ayon kay Dr. Gizelle Bea U. Estrella.
Matapos ang pananaksak, boluntaryong sumuko ang suspek sa pulisya.
ni ALMAR DANGUILAN