BILANG pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng Lusog-Isip, ipinalabas muli ng Philippine Psychiatric Association (PPA) ang PELI-ISIPAN (Pelikula at Isipan: Sulyap sa Isip sa Likod ng Lente) sa tulong ng Hiraya at Sining at ng Cope UP kamakailan sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) Auditorium sa UP Diliman, Lungsod Quezon.
Ito ang pinakaunang pista ng mga pelikulang may kinalaman sa lusog-isip na unang itinanghal noong ika-45 Annual Convention ng PPA noong 24 Enero 2019.
Itinaon ang Premiere at Awarding Ceremonies noong kanilang Fellowship Night na walang ipinagkaiba sa Academy of Motion Picture Arts and Sciences o mas kilala bilang Oscars.
Nagmistulang Dolby Theater sa Hollywood noon ang Marriott Hotel, Manila Ballroom, Resorts World Manila.
Ngunit ang bukod-tangi rito ay walang totoong artistang gumanap sa bawat pelikulang ginawa sa loob ng tatlong buwan – mula Setyembre hanggang Nobyembre – noong 2018.
Wala naman noong napabalitang pagtaas o pagdami ng mga nasiraan ng bait noong mga ganitong panahon ng nagdaang taon.
Bakit?
Sapagkat ang lahat ng pelikula ay pinagkaabalahan ng mga psychiatrist sa Luzon, Visayas, at Mindanao!
Sumailalim ang mga kalahok sa mga palihan sa pagsusulat kay Zig Dulay at pag-arte kay Charita Castinlag na kilala bilang katuwang ng premyadong director na si Brillante Mendoza.
Anim ang naglaban-labang maiikling pelikulang may tig-dadalawampung minuto ang haba.
At isang hindi kasali — sapagkat ang mga nagsiganap ay PPA Board of Directors – na pinamagatang Piring.
Hindi ilusyonado’t ilusyonada lamang sila.
Bagkus wala silang ibang sadya kundi makalikha ng kagamitang panturo sa iba’t ibang rehiyon, institusyon, komunidad, at sinehan sa loob at labas ng bansa sa mababang halagang sinuportahan ng Zydus Neurosciences Phils., Inc., at iba pang kaibigang gaya ng Medichem Unilab, Otsuka Phils. Pharmaceutical, Inc., Torrent Pharma Phils., Inc., Multicare Pharmaceuticals Phils., Inc., Sun Pharma Phils., Inc., Janssen (Johnson & Johnson Phils., Inc.), Abbott Laboratories, Novartis Healthcare Phils., Inc., Pharmalink Division of Zuellig Pharma, at Vexxa Life Sciences.
Mantakin mo nga naman kung premyadong aktor at aktres ang kanilang kukunin.
Pihadong ubos na ang kanilang badyet sa mga bayad sa bida pa lamang.
Ito ang kahanga-hangang adbokasiyang “siko-edukasyonal” ng PPA na pinamumunuan noon ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion.
Aniya: “Napakamakapangyarihan ng ambag pelikula para higit na maintindihan ang lusog-isip. Makatutulong upang lalo pang ang pag-unawa ay hindi lamang maging pagpapakasakit kundi maging pagmamahal.”
Walang iniwan sa layunin ng Quisumbing-Escandor Film Festival for Health noong Pebrero 2018.
Sa sipag ng Department of Health (DOH) at tiyaga ng proponent nito na Mu Sigma Phi Fraternity ng UP College of Medicine nagtagumpay ang nasabing pista ng pelikulang sumusunod sa paksang Tagu-taguan Maliwanag ang Buwan.
Nakakalap sila ng 73 dokumentaryo mula sa 20 lalawigan noong 2018.
Para sa taong iyon, ang tuon ng pansin ay lusog-isip.
Inatasan noon ang inyong lingkod ng World Health Organization (WHO) upang magbigay ng isang palihan-pagsulat para makabuo ng patnubay tungkol sa lusog-isip at bawal na gamot.
Gamit ang Mental Health Gap Action Program (mhGAP) bilang banghay o framework, sinanay naming mag-asawa ang mga tagapagsanay noong 16-20 Hulyo 2018.
Tungkulin nilang gabayan ang mga manonood kung paano manood ng pelikula sa ayuda ng mga Facilitators’ Guide nina Dr. Donna Gamueda at Dr. Leonor Juliana (psychosis); Dr. Imelda Martin (bipolar disorder); Dr. Dinah Palmera Nadera (suicide at depression); Dr. Benjamin Vista, Dr. Beatriz Inumpa, at G. Miguel Marasigan (substance abuse); Dr. Michelle Anlacan, Bb. Analiza Baldonado, Bb. Mary Ann, at G. Ann Pejer (dementia); Dr. Joffrey Cruzada (anxiety disorder); Dr. Joan Rose Lampac o Dr. Shelly Aral (psychosocial rehabilitation).
Sana nga mapakinabangan ito sa panonood ng pelikulang Peli-isipan: Ang Pagbalik Sa Ugat Hinungdan – mulang Mindanao; Basag Na Pangarap – mulang Timog Luzon; Bintana – mulang Hilagang Luzon; Bulanon – mulang Visayas; Pagpag – mulang National Capital Region (NCR) 2; at Sulyap – mula sa NCR 1.
Tatlo ang napiling Best Picture: Pagpag ang ikatlong gantimpala, Sulyap ang ikalawang gantimpala; at Ang Pagbalik sa Ugat-Hinungdan ang unang gantimpala.
At kapansin-pansing ito rin ang humakot sa halos lahat ng premyo kabilang na ang Best Story, Best Production Design, Best Editing, Best Cinematography, Best Screenplay, at People’s Choice Award, at Jury Award.
Kahit ang kanilang bida ay itinanghal na Best Actress sa katauhan ni Rachel Enojada na isang pambatong psychiatrist ng Tagum, Davao del Norte.
Kapuna-puna rin ang Girl Power nang mapili ring Best Director si Keisha Therese Halili.
Ano nga ba ito?
Ang Pagbalik sa Ugat-Hinungdan ay nakasentro kay Alma na isang nanay na tindera ng barbecue. Pinag-ipunan niya ang isang mamahaling relong regalo niya sa kaarawan ng anak niyang si Leah.
Subalit huli na ang lahat nang isang gabi habang payapa silang naghahanapbuhay sa Night Market.
Tatlong taon na ang nakalipas.
Sa lungsod na nilindol.
Ng bomba!
KUMUSTA?
ni Vim Nadera