MALUNGKOT ang naging wakas ni Jupiter Gonzales. Tinapos ng dalawang balang naglagos sa kanyang ulo ang kanyang 52-anyos na buhay.
Nakikiramay tayo sa kanyang mga naulila.
Pero ang isa sa malungkot na bahagi nito at ang katotohanan na hindi kayang pasubalian, nagpapatuloy ang media killings sa bansa.
Si Jupiter ay reporter at kolumnista ng pahayagang Remate at Bagong Toro.
Kilala siyang kritiko ng mga ilegal na sugal, gaya ng colors game, bookies, jueteng at iba pa.
Ayon sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), naniniwala sila na may kinalaman sa trabaho ang motibo sa pagpatay kay Gonzales.
“Binabanatan sa mga kolum niya ang mga ilegal na sugalan at peryahan sa lugar,” ayon kay PTFoMS executive director Joel Egco.
Kaya hindi tayo dapat magtaka kung bakit sa harap ng peryahan inutas si Jupiter at ang kanyang kasama.
Kaya kung may kinalaman sa kanyang trabaho ang pagpaslang kay Jupiter, sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), siya ang ika-14 na peryodistang pinaslang sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ika-187 mula pa noong 1986.
Pero ang higit na nakapagtataka tuwing bago ang administrasyon ay nagbubuo ng task force laban sa media killings, extrajudicial killings at kung ano-ano pang killings at pandarahas laban sa mga mamamahayag pero ganoon at ganoon pa rin… mayroon pa ring napapaslang.
At ang pinakamarami ngang napaslang na mediamen ay ‘yung Ampatuan massacre sa Maguindanao.
Sa nabanggit nating bilang ng mga napaslang, wala tayong natatandaan na nakakamit ng katarungan.
Sana’y hindi ito mangyari sa kaso ni Jupiter lalo’t siya’y malapit kay kasalukuyang PTFoMS executive director Joel Egco.
Madalas nga nating marinig kay Usec. Egco ang idiom na “To leave no stone unturned…” kaya umaasa tayo na saglit lang at tiyak na makakamit ni Jupiter ang katarungan…
At kapag nangyari ‘yun puwede na nating sabihin… “Rest in peace Jupiter.”
MAYOR ISKO MORENO
PINURI SI DATING
MAYOR ALFREDO LIM
SABI nga, gratitude will shower more blessings to the person/s who practice this great virtue.
Kaya naman bilib tayo kay Mayor Isko dahil hindi niya nakalilimutang ipaalala sa mga Manileño ang mga nagawa ng mga dating alkalde.
Gaya nga ng ginawa ni Mayor Fred Lim na libreng edukasyon mula sa elementary, high school, at hanggang sa kolehiyo.
Tuwina ay ina-acknowledge ni Yorme na ang nagsimula ng prograamang libreng kolehiyo sa pamamagitan ng City College of Manila (Universidad de Manila ngayon) ay si Mayor Lim.
Sa totoo lang, marami nang naging professionals hindi lamang mga taga-Maynila kundi maging karatig lalawigan gaya ng Bulacan at Cavite na nakikinabang sa libreng kolehiyo sa UDM.
Kaya nga para kay Mayor Isko, dapat ipagpatuloy ang programang gaya nito.
Mabuhay ka Yorme!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap