ISANG ‘pambansang aliwan’ talaga ang showbiz sisters na walang ginawa kundi ipaglaladlaran ang away nilang magkakapatid sa publiko.
Ang alam lang natin, mahilig sa word war ang Barretto sisters, pero nagulat tayo sa pinakahuling insidente na para silang mga manok na panabong na nag-derby sa harap pa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi nga ni Senator Christopher “Bong” Go, kung ano ang nakikita o napapanood ng madla sa telebisyon kapag nanonood ng teleserye, ganoong-ganoon daw ang nangyari.
Kawawa naman si Pangulong Digong, nakiramay na nabastos pa?!
At kung hindi tayo nagkakamali, iisang tao lang ang pinagtatalunan, si Double A na open secret naman na malapit sa Barretto sisters gaya nina Claudine at Gretchen, at sabi nga maging ang pamangkin nilang si Nicole ay special friend na rin.
Kaya raw hinamon ni Ms. Gretchen na ilantad ni Ms. Marjorie ang erpat ng kanyang bunsong anak dahil parang nagmamalinis pa.
Asus!
Ay, ang masasabi lang natin, no need na, kasi alam na alam ng mga taga-Camanava ‘yan. Kahit itanong pa natin kay Usec. Alvin Feliciano.
Mantakin ninyo, dahil sa rambol ng Barretto sisters, natabunan ang isyu ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at ‘ninja’ cops?!
Kaya maraming politiko ang natutuwa sa “the sisters” ‘e.
Buti na lang, hindi bumangon sa kinahihimlayan ‘yung tatay.
Arayku!
Kailan kaya matututuhan at maiintindihan nang todo ng Barretto sisters ang salitang behave at GMRC?
Tsk tsk tsk…
PASAY CITY BARANGAY
139 CHAIRMAN TARGET
NG DEMOLITION JOB
NAKALUSOT ang isang nagpakilalang John Santos na nagpadala ng feedback sa inyong lingkod tungkol sa kanilang chairman.
Pero lumalabas na ‘yun pala ay demolition job laban kay Barangay 139 Chairman Palmos.
Unang-una, klinaro ng kampo ni Chairman Palmos na wala silang botanteng John Santos.
Pangalawa, kung abusado umano at walang ginagawa si Chairman, hindi siya magiging 2-termer Sangguniang Kabataan (SK) Chairman at No. 1 Kagawad sa kanilang barangay at ngayon umano ay 3rd termer nang punong barangay.
Pakiusap lang po natin sa ‘hoax’ o ‘bogus’ na nagpapadala ng sumbong o hinaing, kung nanloloko lang kayo, tigilan po ninyo, kasi maapektohan po ‘yung mga gustong maglabas ng hinaing sa pamamagitan ng kolum na ito.
Gamitin po natin sa kabutihan ang kolum na ito huwag sa paninira at demolition job laban sa inyong mga kinakalaban.
Kung totoong mayroon kayong paninindigan, lumaban kayo nang harapan.
E paano maniniwala ang constituents na kaya ninyong mamuno kung hindi kayo makaharap kapag mayroon kayong reklamo?!
Huwag na po ninyong gamitin o kaladkarin ang kolum na ito.
‘Yun lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap