TUMALON o nahulog?
Ito ang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad matapos bumagsak at magkalasog-lasog ang katawan ng 33-anyos call center analyst mula sa ika-27 palapag ng kanyang inookupahang hotel sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ni P/Lt. Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Jordan Joseph Yamsuan, 33 anyos, binata, call center analyst, at residente sa Unit 27, 27th floor Eastwood Park Hotel at Residential Suites sa No. 17 Orchard Road, Eastwood City, Cyber Park, Brgy. Bagumbayan, QC.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Julius Raz ng CIDU-QCPD, ang insidente ay nangyari dakong 5:00 am kahapon, 13 Oktubre, sa Eastwood Park Hotel sa nasabing barangay.
Sa pahayag sa pulisya ni Michael Resoco, security guard, nasa outpost siya sa lobby ng hotel nang makarinig ng malakas na lagapak mula sa drop off point main entrance at nang usisain ay bumungad sa kanya ang lasog-lasog at duguang katawan ng biktima.
Ayon sa mga nagrespondeng SOCO team na pinamumunuan ni P/Major Joseph Infante sa crime scene, namatay ang biktima dahil sa multiple fractured injuries at pagkabasag ng bungo.
Tumangging paimbestigahan ni John Michael Guanzon ang insidente dahil kombinsido siyang nagpatiwakal ang kanyang kapatid na si Jordan.
Gayonman, masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung may ‘foul play’ sa sinasabing pagpapatiwakal ng call center analyst. (ALMAR DANGUILAN)