HALOS 60 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa napabayaang nakasinding kandila, sa naganap na sunog sa Barangay San Martin de Porres, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Sa report ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay nagsimula dakong 12:23 am, 8 Oktubre at umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula dakong 2:00 am.
Ayon sa BFP, pawang gawa sa kahoy at iba pang light materials ang mga dikit-dikit na tahanan kaya mabilis na nasunog ang nasa 20 bahay.
Sinasabing ilan sa mga residente sa lugar ang naputulan ng supply ng koryente kaya gumamit muna ng kandila na hinihinalang pinagmulan ng sunog.
Walang namatay o nasaktan sa insidente at hindi pa batid kung magkano ang ari-arian na naabo sa nasabing sunog.
Sa ngayon ay kinakalinga ni San Martin De Porres barangay chairman Mervin Viray, ang mga nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa barangay hall.
(ALMAR DANGUILAN)